Isinusulong ng Akbayan Party-list ang Interns’ Rights and Welfare Bill na naglalayong kilalanin ang karapatan at kapakanan ng mga estudyanteng sumasailalim sa internship program.
Sa X post ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno nitong Sabado, Oktubre 4, sinabi niyang titiyakin ng panukalang ito na may kontrata at malinaw na internship plan para sa mga estudyante.
“Sa panukalang ito, para sa mga college at university students na may internship dapat may kontrata. May malinaw na internship plan para siguradong kapakanan ng mga estudyante ang inuuna,” saad ni Diokno.
Dagdag pa niya, “May karapatan sa tamang working hours, leaves, insurance, at proteksyon laban sa diskriminasyon, at pinakaimportante may bayad.”
Samantala, ayon sa kongresista, makakatanggap ng 75% ng sahod ng Salary Grade 1 Step 1 ang estudyante kung sa gobyerno sasailalim ng internship program habang 75% naman ng minimum wage ang sasahurin kung sa pribadong sektor.