“Ang paglaki at pag-develop ng ating kabataan ay nakasalalay sa tamang nutrisyon, kabilang na rito ang galing sa gatas,” ito ang saad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang talumpati sa inagurasyon ng Farm Fresh Milk Plant nitong Biyernes, Oktubre 3.
Ibinahagi rin ng Pangulo na bukod sa nutrisyon, ang pagbubukas ng Farm Fresh Milk, Inc. Plant ay magtitiyak ng pagyabong ng produksyon ng local dairy products sa bansa.
“Ang industriya ng pagkain, ng manufacturing ay nanggagaling din [sa] gatas para sa produksyon ng mga tinapay, panghimagas at iba pang mga delicacy,” aniya.
“Sa pagpapasinaya natin ng Farm Fresh Milk Inc. Plant, lagi nating tiyakin ang karagdagang lokal na produksyon at suplay ng gatas sa bansa,” dagdag pa niya.
Bukod sa epektibong produksyon, binanggit din ni PBBM na ang pagtatayo ng Farm Fresh Milk Plant ay magbubukas ng mga oportunidad ng pangkabuhayan para sa mga Pilipino.
“Magbibigay ito ng mga oportunidad na magkaroon ng kabuhayan ang mga magsasaka at farm workers dito sa komunidad. Magbibigay rin ito ng mas magandang kinabukasan para sa ating kababayan,” pagtitiyak niya.
Nagbahagi rin ng pasasalamat si PBBM sa Farm Fresh Milk, Inc. para sa kanilang pagsisikap na matulungan ang bansa sa adbokasiya nitong mapabuti ang produksyon ng dairy products.
“None of this would have been possible without the consistent support of Farm Fresh in our collective aspiration to boost our local production of dairy products. Through your efforts, more Filipino farmers, veterinarians, can now have a more stable and dignified job. So I hope you will continue to improve and expand your operations, bringing greater opportunities to our communities,” saad pa niya.
Bilang suporta naman ng pamahalaan, ibinahagi ni PBBM na ipinatupad niya ang Dairy Industry Development alinsunod sa Republic Act (RA) No. 7884 o ang “National Dairy Authority” (NDA).
“Sa ilalim ng programang ito, nagpapahiram tayo ng puhunan sa ating mga magsasaka, nagbibigay tayo ng dairy animal, at nagsasagawa ng training mula sa dairy management at dairy husbandry hanggang sa breeding,” pagpapaliwanag niya.
“Makakaasa kayo na naririto ang pamahalaan upang magpatupad ng mga programang nagpapabilis sa ating pagproseso ng dairy products,” aniya pa.
Idinagdag din niya na kasalukuyan ding pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga paraan para mapataas ang lokal na produksyon ng gatas at kung papaano madadagdagan ang investment sa dairy industry ng bansa.
Kasama rin daw dito ang pag-aaral kung paano pa makapagpapaabot ng suporta sa mga magsasaka at manggagawa sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga pampribadong sektor.
Ang Farm Fresh Milk ay ang Philippine subsidiary ng Farm Fresh Berhad, na isang dairy company mula sa Malaysia.
Ang operasyon nito ay nagsimula sa bayan ng San Simon, Pampanga, na gumagawa ng mga produktong gawa sa gatas at yogurt, at plant-based na mga produkto tulad ng soy, almond, at oat milk.
Sean Antonio/BALITA