Good vibes pa rin ang hatid ni Kapuso comedy sexy star Rufa Mae Quinto sa mga hirit niya para sa gaganaping kompetisyong “Your Face Sounds Familiar" na kaniyang sasalihan sa kabila ng kaniyang pagluluksa sa pumanaw niyang mister noong Hulyo.
Ayon sa naging media conference ng Your Face Sounds Familiar noong Huwebes, Oktubre 2, 2025, sinabi ni Rufa na gusto niyang gumawa ng magagandang bagay para na rin mabitbit umano ang kaligayahan para sa anak niya.
“Dumaan ako sa mga madramang problema. Kaya sabi ko, gusto ko na may gawin na maganda[...] kasi kailangan ko ‘yon kasi nagluluksa pa rin kaming mag-ina at mabitbit ko rin ‘yong kaligayahan para sa anak ko,” pagbabahagi ni Rufa.
Pagpapatuloy pa ni Rufa, ang tangi umanong magagawa niya para mapasaya ang sarili ay magpasaya rin ng ibang tao.
“Ang magagawa ko lang, ‘di ba nagsho-Showtime din ako, ay magpatawa at magpasaya habang ako rin sumasaya dahil masaya lahat. ‘Yon lang naman ang gusto ko,” anang Rufa.
Ani ni Rufa, magandang simula raw ulit ang pagsali niya sa nasabing show para muling ipagpatuloy ang full-time career niya sa showbiz.
“So when it was offered to me, sabi ko maganda ito dahil matagal din ako na hindi nag-full blast sa showbiz[...] halos sampung taon ganun ang career ko dahil nagpamilya ako.
“Ngayon eight na rin siya at independent na rin siya. Sabi ko pwede nang mag-full time din ako sa career ko,” saad ni Rufa.
Dagdag pa niya, masaya umano siya na nahanap niya ang bago niyang pamilya sa nasabing show.
“Sabi ko naman, maganda ito kasi training. Syempre hindi na ako sanay mag-high heels, mag-perform[...] Alam mo ‘yon, ang dami kong kailangang balikan. So sabi ko, sakto ito para makapagsimula ako ulit[...] Natanggap naman ako kaya ginawa ko ‘to. ‘Yon po ‘yong ginawa ko para sumaya ako,” ‘ika ni Rufa.
“Totoo naman, nagkaroon po ako ng bagong pamilya dito po sa ABS-CBN kaya maraming salamat po sa inyo[...]” pahabol pa niya.
Aniya, unang beses umano niyang sumali sa isang contest kagaya ng Your Face Sounds Familiar at hindi niya umano inaasahan na mahirap ‘yon.
“First time ko ring mag-contest na ang hirap pala. Kasi akala ko, iba ‘yong kakanta ka lang, iba ‘yong may judge, iba ‘yong may sayaw, iba ‘yong may kalaban, iba ‘yong magagaling[...]
“‘Yong boses ko hindi naman magiging kapantay ng mga champion pero humanda sila. So ‘yon po ang dahilan dahil gusto ko pong magkaroon ng bagong pamilya at familiar[...]” anang Rufa.
Humirit naman si Rufa ng classic way ng pagbibiro niya dahilan para magtawanan ang mga audience at host sa nasabing media conference.
“I’m depressed but it’s okay because there's freedom of the press. So mga press, friends, family, hephephep, hooray!” pagbibiro ni Rufa.
Mc Vincent Mirabuna/Balita