Nagbigay ng pananaw ang political analyst at dating Presidential Adviser for Political Affairs na si Ronald Llamas kaugnay sa halos magkasabay na pagkatanggal ng Senate President at House Speaker.
Sa latest episode ng “Rated Korina” nitong Biyernes, Oktubre 3, sinabi ni Llamas na ngayon lang umano siya nakakita sa loob ng apat na dekada niya sa politika na ang House Speaker at Senate President ay halos sabay na natanggal.
“Ngayon lang ako nakakita na Senate President saka Speaker ng parliament, sabay natanggal in my forty years sa politika. Talagang napakahina ng ating mga instistusyon,” saad ni Llamas.
Dagdag pa niya, “Imagine mo, kahit wala pa silang official na kaso, alam naman natin natanggal sila dahil dito sa corruption issue. Naging political damage sila for the institution and for the president.”
Matatandaang si Isabela 6th District Rep. Bojie Dy ang humalili kay Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez matapos nitong magbitiw bilang bagong House Speaker.
Isa si Romualdez sa mga mambabatas na pinangalanan ng kontraktor na si Curlee Discaya na tumanggap umano ng porsyento sa pondo ng mga kontrata sa maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang DPWH officials, pumuporsyento sa mga Discaya para umano kina Romualdez at Co
Samantala, pinalitan naman ni Senador Tito Sotto si Senador Chiz Escudero bilang Senate President sa kasagsagan ng pangalawang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang flood control projects.