Namahagi ng 2,466 na galon ng malinis na inuming tubig ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes, Oktubre 3, sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu kamakailan.
Ayon sa Facebook post ng MMDA, 600 pamilya sa Brgy. Lawis, San Remigio, Cebu ang napamahagian ng inuming tubig, bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agarang pagtugon sa mga komunidad na kulang sa suplay ng tubig.
“Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang magmobilisa ng mga tauhan at kagamitan naglalayong matugunan ang agarang pangangailangan sa tubig ng komunidad, lalo na sa mga lugar na apektado ng kakulangan sa suplay,” saad dito.
Ang agarang-pagresponde na ito ay isinagawa ng 18 katao na may dalang solar-powered water purifiers para sa malinis na tubig, at iba pang kagamitan tulad ng life locators, battery-operated extrication equipment, at trauma bags.
“Ang 18-man contingent na ipinadala sa Cebu ay may dalang solar-powered water purifiers upang makapagbigay ng malinis na inuming tubig, life locators, battery-operated extrication equipment, trauma bags, at iba pang kagamitan gaya ng chainsaws at dump trucks para sa clearing operations,” dagdag pa rito.
Sean Antonio/BALITA