Tila napuno na ang pasensya ni Asia’s Songbird Regine Velasquez kaugnay sa mga nagnanakaw umano ng kaban ng bayan sa bansa.
Ayon sa ibinahaging pahayag ni Regine sa kaniyang Instagram post noong Huwebes, Oktubre 2, 2025, sinabi niyang hindi umano marunong mahiya at tinawag niyang “makapal ang mukha” ng mga nagnanakaw sa pondo ng bayan.
“Kung hindi ninanakaw pera natin KAYA to eh!” panimula ni Regine.
Pagtutuloy niya, “The thing is hindi sila marunong mahiya kahit sabihan silang magnanakaw makapal ang mukha at isinusuka na natin sila waley pa rin, mag tuturo lang sila ng iba pang magnanakaw hangang maubos na lang nila yung ninakaw nila tapos nakaw uli.”
Photo courtesy: reginevalcasid (IG)
Ayon pa kay Regine, habang talamak umano ang mga pagnanakaw sa pondo ng bayan, tuloy-tuloy pa rin ang pagbabayad ng buwis ng mga kagaya niyang Pilipino.
“In the meantime we continue to pay taxes na pinagpaguran natin. Ano pa pwede nila lagyan ng tax ano pa! Baka paggising natin isang araw pati hangin may tax na!” anang Regine.
Tila hindi na umano malaman ng Asia’s Songbird ang dapat na gawin para maparusahan ang mga hindi tumitigil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
“Ano ba gagawin natin bakit parang I feel helpless naghihintay tayo na may maparusahan na most likely wala.
“Anong ba gagawin natin para maituwind ang baluktot na pamamalakad na ito? At kahit iba ang ilagay natin dyan I don’t think it will change!” hinaing ni Regine.
Pagbabahagi pa niya, kaunting mga taon na lamang umano ang itatagal niya at ng mga kaedad niya sa mundo at humiling siya na makaranas man lang daw ng kaluwalhatian sa bansa.
“I’m 55 konting panahon na lang ang ilalagi namin sa mundo sana man lang maabutan namin ang isang maluwaltahing pamumuhay para sa mga pilipino,” pagtatapos ni Regine.
Matatandaang binatikos na rin ni Regine ang tila matagal na paggulong ng imbestigasyon kaugnay sa talamak na korapsyon ngayon sa gobyerno.
MAKI-BALITA: Urirat ni Regine Velasquez: ‘May magbabalik ba ng ninakaw?’
Sa X post kasi ni Regine noong Setyembre 28, 2025, nag-usisa siya kung kailan mapapanagot ang mga may-sala sa likod ng mga nabunyag na katiwalian.
“Ang tanong may magbabalik ba ng mga ninakaw nila???? May mapaparusahan ba???? Lord save us ” saad ni Regine.
Mc Vincent Mirabuna/Balita