December 13, 2025

Home BALITA Probinsya

‘Manatili tayong matatag,’ VP Sara, nakiramay sa mga biktima ng lindol sa Cebu

‘Manatili tayong matatag,’ VP Sara, nakiramay sa mga biktima ng lindol sa Cebu
Photo courtesy: Inday Sara Duterte (FB)

Personal na bumisita at nakiramay si Bise Presidente Sara Duterte nitong Biyernes, Oktubre 3, sa mga pamilyang namatayan sa Cebu dahil sa pagyanig ng 6.9 magnitude na lindol kamakailan. 

Sa kaniyang Facebook post, ibinahagi niya na kabilang sa kaniyang mga pinuntahan ay ang mga bayan ng Medellin, San Remigion, Tabugon, at Bogo, na lubos naapektuhan ng lindol. 

Ibinahagi rin niyang patuloy magbibigay-serbisyo ang kaniyang tanggapan sa pamamagitan ng satellite offices para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan. 

“Ramdam namin ang inyong lungkot at pangangailangan sa nakapanlulumong pangyayaring ito kaya't patuloy ang aming Tanggapan sa pamamagitan ng Satellite Offices na makapaghatid ng mga pangunahing pangangailangan,” aniya sa kaniyang post. 

Probinsya

Higit ₱10M halaga ng marijuana, nasabat sa Ilocos Sur

“Sa panahong ito, mahalaga  ang sistematikong pagtatayo ng mga Satellite Offices tulad nito sa mga probinsya ng bansa para sa agaran at mabilis na pagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan nating kababayan,” dagdag pa niya. 

Kasama sa mga tulong na ipinamahagi ni VP Sara sa probinsya ng Cebu ay ang relief operations at Kalusugan Food Truck (KFT) para sa mga residente at frontliners sa San Remigio, Cebu. 

Sean Antonio/BALITA