Naglabas ng pahayag si Mamamayang Liberal (ML) Party-List Rep. Leila de Lima kaugnay sa panawagan niyang magkaroon ng hustisya sa pagpaslang sa mamamahayag na si Percival “Percy Lapid” Mabasa.
Ayon sa ibinahaging video ni De Lima sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Oktubre 3, 2025, inalala niya ang ikatlong taong anibersaryo sa pagkasawi ni Lapid at katapangan niya sa pagsisiwalat umano ng katotohanan sa publiko.
“Sa pamilya Mabasa, sa mga kasamahan ni Percy Lapid, sa kaniyang mga tagapakinig, at sa sambayanang patuloy na naninindigan para sa katotohanan,” panimula ni De Lima.
“Today, we remember Percival “Percy Lapid” Mabasa, a fearless voice who held the powerful to account, and a journalist who never flinched from exposing wrongdoing. His sharp commentaries spoke directly to the conscience of the nation. His words disturbed those who preferred silence and submission,” dagdag pa niya.
Pagpapatuloy ni De Lima, nagdulot umano ng sugat para sa kalayaan at demokrasya ng mga mamamahayag na magsiwalat ng katototohanan ang naging pagpaslang kay Lapid.
“His murder was a wound against press freedom, against democracy, and against every Filipino who dreams of a country where truth can be spoken without fear.
“Sa tuwing pinatatahimik ang isang mamamahayag, unti-unting nauupos ang liwanag ng demokrasya,” ani De Lima.
Aniya, tatlong taon na umano ang lumipas ngunit hindi pa rito natatapos ang laban nila para hingiin ang buong hustisya para kay Lapid.
“Three years have passed since the day his life was stolen. Naparusahan na ang ilan sa mga salarin, pero hindi pa tapos ang laban. The public still waits for full justice. The questions remain. The names behind the curtain have yet to be fully unmasked,” saad niya.
Ayon pa sa kongresista, mananatili umano ang apoy na iniwan ni Lapid para sa mga mamamahayag sa kasalukuyan at sa maraming Pilipinong naniniwala na hindi mananaig ang katahimikan.
“But today, Percy lives on. In the courage of journalists who carry the torch. In every truth-seeker who dares ask difficult questions. And in the hearts of Filipinos who believe that silence must never win,” pagdidiin ni De Lima.
Binigyang-respeto naman ni De Lima ang pamilya, mga kasama ni Lapid sa media, at mga tagapagtanggol ng karapatan ng bawat Pilipino.
“Sa pamilya Mabasa, saludo kami sa inyong tibay. Sa mga kasama ni Percy sa media at sa hanay ng mga tagapagtanggol ng karapatan: patuloy tayong magbantay, mag-ingay, at magpanagot,” mensahe ni De Lima.
“Maging gabay sa atin ang alaala ni Percy. Hindi tayo titigil hanggang makamit ang ganap na hustisya,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang Oktubre 3, 2022 nang masawi si Percy Lapid matapos pagbabarilin habang nasa loob ng kaniyang kotse sa Las Piñas City, bandang 8:30 ng gabi.
MAKI-BALITA: Broadcaster na si Percy Lapid, patay matapos pagbabarilin sa Las Piñas City
Tatlong gang leader sa New Bilibid Prison (NBP) naman ang pinatawan ng dalawa hanggang walong taong pagkakakulong matapos umano silang mag-plead ng guilty bilang accessory sa pamamaslang kay Lapid.
MAKI-BALITA: 3 gang leader sa NBP, guilty sa Percy Lapid case
Samantala, kinasuhan kamakailan si dating Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag ng two counts of murder dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Lapid at sa umano’y middleman na si Cristito Villamor Palana, isang person deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Kasama umano ni Bantag bilang akusado si dating BuCor security officer Ricardo Zulueta.
Mc Vincent Mirabuna/Balita