Pinasuspinde ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang lisensya ng mga personnel at 20 engineers na umano’y mayroong kaugnayan sa mga anomalya sa flood control projects.
Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng paglagda ng ahensya ng Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Professional Regulation Commission nitong Biyernes, Oktubre 3.
Ibinahagi ni DPWH Sec. Vince Dizon na layon din ng MOA na mapagtibay ang relasyon ng DPWH sa PRC para masiguradong hindi na mauulit ang mga ito.
“Unang-una po ayon na rin sa direktiba ng ating Pangulo na kailangang managot ito mga na-involve dito sa napakalaking anomalya sa loob ng DPWH, napakaimportante din ‘yong cooperation na nakuha natin sa Professional Regulation Commission,” saad ni Dizon.
Ibinahagi rin ng Kalihim na kabilang sa MOA ang pagtatanggal ng lisensya sa 20 engineer mula sa Bulacan First District Engineering Office.
“20 [engineers] dito sa unang ibinigay namin sa PRC na ngayon ay covered na nitong MOA natin. Bulacan pa lang ito. Ito pa lang ‘yong unang proyekto. Marami pang parating,” aniya.
Bukod din sa engineers, kabilang ang iba pang regulated professions na dawit sa mga anomalya.
“Lahat ng regulated professions covered dito. Halimbawa, ‘yong accountant, kasama din ‘yon sa mga kinasuhan natin. Ang importante dito, kailangan may accountability, hindi lang ng mga contractor, pero accountability din non’g mga professional officials and employees ng DPWH,” aniya pa.
“Lahat ng propesyon, mayroon ‘yang code of ethics, code of conduct. And clearly, itong mga ginawa na ito, is a clear violation of those ethical standards and code of conduct. Dahil pagnanakaw ito, kasabwat sila sa mga pagnanakaw ng pera ng tao, at kailangan managot sila doon,” paliwanag pa ni Dizon.
Pinangalanan din ng Kalihim ang mga tinawag niyang “superstars” na kabilang sa MOA, na sina Henry Alcantara, Bryce Hernandez, JP Mendoza, at Paul Duya.
“So ‘yon ‘yong apat. By the way, ‘yong apat na ‘yon dismissed na sa DPWH, pero kasama pa ng mga ibang project engineer ay ‘yong cashier, who is apparently a CPA,” saad ni Dizon.
“Lahat no’ng na-name na 20 DPWH personnel doon sa unang kasong na-file natin sa Ombudsman [ay] kasama dito sa initial na sinubmit natin sa PRC,” paliwanag pa niya.
Sean Antonio/BALITA