Ibinahagi ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang umano’y dahilan ni Vice President Sara Duterte sa hindi raw nito paggatong sa panawagang “Marcos Resign.”
Sa video na ibinahagi ni Roque sa kaniyang opisyal na Facebook account nitong Biyernes, Oktubre 3, 2025, iginiit niyang may delicadeza at ayaw umano ni VP Sara na magbuhat ng kaniyang sariling bangko.
“‘Yan po ay dahil sa kaniyang delicadeza. Dahil siya ang Constitutional successor, hindi naman dapat na itulak niya ang kaniyang pagiging Presidente sa panawagan na ‘Marcos Resign,’” ani Roque.
Dagdag pa niya, “So naiintindihan ko po ‘yon kung bakit hindi siya nananawagan ng ‘Marcos Resign.’ Dahil ayaw n’ya itaas ang sarili n’yang bangko dahil siya nga ang tatalagang susunod na Presidente kung tuluyan na ngang magbitiw si Marcos.”
Matatandaang umugong ang mga panawagang magbitiw sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaugnay ng malawakang korapsyon sa maanomalyang flood control projects.
Sa kabila nito, nilinaw ng ilang kritiko ng administrasyon na hindi umano nila bitbit ang nasabing panawagang “Marcos Resign,” bagama’t mariin nilang iginigiit na manapagot ang lahat ng sangkot sa gobyerno.
“Hindi siya maaaring patakasin rito. At the same time, ay malinaw rin naman ang paniningil kay Duterte, sa nakaarang administrasyon at sa mga opisyal na nakaupo pa ngayon,” ani ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio sa media bago tukuyang ikasa ang anti-corruption protests noong Setyembre 21.
Dagdag pa niya, “Wala po tayong ganoong panawagan [for Marcos] to resign kasi para magkaroon ng gan'un, we need direct, material evidence of actual corruption [by the President]. Ang sinasabi pa lang natin, nasa level ng command responsibility.”