Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na umabot na sa 3,685 na aftershocks ang kanilang naitala matapos ang pagtama ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Batay sa kanilang update nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 3, 2025, tinatayang 18 sa mga aftershocks ang naramdaman sa kalupaan na may magnitude 1.0 hanggang 5.1.
Ayon kay PHIVOLCS director Dr. Teresito Bacolcol, iginiit niyang inaasahan ang pagtama pa ng mga aftershocks sa mga susunod na araw.
“Inaasahan natin na magkakaroon pa ng mga aftershocks in the next few days. Sometimes the aftershocks would last for several weeks,” ani Bacolcol.
Sa kabila nito, nilinaw naman niyang bumababa na raw ang mga aftershocks na kanilang naitatala kada araw.
“Habang tumatagal naman, bumababa ang number ng aftershocks natin, and humihina din yung magnitude,” saad ni Bacolcol.
Sa Bogo City ang epicenter ng nasabig lindol kung saan tinatayang nasa 47, 221 pamilya ang naapektuhan na katumbas ng 170, 959 mga indibidwal habang 200,000 katao ang nawalan ng tirahan.
Samantala, isang kilalang funeral home naman ang nag-alok ng libreng funeral services para sa mga namatayan ng mahal sa buhay bunsod ng pagtama ng nasabing lindol.
“During this extremely difficult time, St. Peter Chapels will provide free funeral services for those who lost their lives during the Cebu earthquake as our support to their grieving families,” anang St. Peter.
KAUGNAY NA BALITA: Kilalang funeral home, magbibigay ng libreng serbisyo sa mga naapektuhan ng lindol sa Cebu