Naghatid ng psychological first aid ang Philippine Red Cross (PRC) para sa mga pasyenteng naapektuhan ng pamiminsala ng lindol sa Cebu noong gabi ng Martes, Setyembre 30, 2025.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng PRC sa kanilang Facebook page nitong Huwebes, Oktubre 2, 2025, ipinarating nila sa publiko ang agarang aksyon nila para matulungan ang mga pasyente na nasa Cebu Provincial Hospital.
“Matapos ang pagtama ng Magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, agad na tumugon ang Philippine Red Cross upang maghatid ng psychological first aid sa mga pasyenteng nasa Cebu Provincial Hospital,” panimula ng PRC.
Ayon sa PRC, layunin ng serbisyong isinagawa nila na mabawasan umano ang takot at anxiety na idinulot ng trahedya sa mga nasabing pasyente na nagtamo ng stress at trauma sa naturang trahedya.
“Layunin ng serbisyong ito na mabawasan ang fear and anxiety na dulot ng trahedya, lalo na sa mga pasyenteng nakararanas ng matinding stress at trauma,” anang PRC.
“Itinatag ng Philippine Red Cross ang mga welfare services tulad ng psychological first aid upang maibsan ang pangamba ng ating mga kababayan sa panahon ng trahedya. Hindi lamang pisikal na sugat ang dapat gamutin, kung hindi pati ang pangangamba sa kanilang kalooban,” ayon umano kay PRC Chairman Richard J. Gordon.
Dagdag pa ng PRC, kasabay ng kanilang pagbibigay ng psychological first aid sa mga pasyente ang iba pang welfare services na kanilang isinagawa upang masigurado lalo ang kaligtasan ng mga pamilyang apektado sa nasabing lindol.
“Kasabay nito, nagpapatuloy din ang pagbibigay ng iba pang welfare services ng PRC upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga apektadong pamilya,” pagtatapos ng PRC.
Samantala, ayon sa pinakabagong tala ng nitong Huwebes, umakyat na sa 72 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa nasabing lindol na nangyari sa Bogo City, Cebu, habang aabot naman sa 294 ang kabuuang bilang ng mga nagtamo ng sugat sa naturang pagyanig.
MAKI-BALITA: Magnitude 6.7 na lindol, yumanig sa Bogo City, Cebu
MAKI-BALITA: Lindol, nagdulot ng maraming pagkamatay sa San Remigio, Cebu
Mc Vincent Mirabuna/Balita