Nagpadala ng tulong ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para sa mga biktima ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu kamakailan.
Bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., mabilis na inatasan ni PCSO General Manager Mel Robles ang lahat ng sangay ng kanilang tanggapan at authorized agent corporations (AACs) na agarang maghatid ng kinakailangang tulong sa mga apektadong komunidad.
Nabatid na ang AACs Piona Trading and Supply Corp., at King Dragon Gaming and Amusement Corporation ang ilan sa mga unang tumugon sa kautusan ni Robles, sa pamamagitan nang paghahatid ng mga donasyon, gaya ng mga pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan, sa Cebu Provincial Government noong Miyerkules.
Nagpadala rin ang PCSO ng evacuation supply kits, na kinabibilangan ng mosquito nets, plastic mats, kumot, tsinelas, flashlights, unan, tuwalya, at iba pang mga pangangailangan ng mga earthquake survivors.
“Our thoughts are with our kababayans in Cebu and the surrounding areas. PCSO is closely monitoring the situation and will extend further assistance to ensure the safety and well-being of those affected,” pagtiyak ni Robles. “We are working tirelessly to bring comfort during these challenging times.”
Hinikayat din naman ni Robles ang mga mamamayan na manatiling matatag at nagkakaisa dahil paparating na ang tulong sa kanila.
Tiniyak din niya na ang PCSO ay nananatiling committed sa pagkakaloob ng tulong sa mga mamamayan nating nangangailangan.