Personal na bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Bogo City, Cebu kung saan naranasan ang epicenter ng magnitude 6.9 na lindol na naganap noong Martes ng gabi, Setyembre 30, 2025.
Ayon sa ibinahaging mga larawan ng Cebu Province sa kanilang Facebook page nitong Huwebes, Oktubre 2, 2025, makikita si Pangulong Marcos Jr., kasama si Governor Pamela Baricuatro at iba pang mga opisyal sa nasabing lugar.
“Governor Pamela Baricuatro led Cebu officials in accompanying President Ferdinand Marcos Jr. to Bogo City, where he checked on the victims of the 6.9-magnitude earthquake,” panimula nila sa caption ng kanilang post.
Anila, personal na binisita ng Pangulo ang Yolanda Housing Village sa Barangay Polambato na isang relocation site ng mga nakaligtas noon sa Supertyphoon Yolanda.
“The President personally visited the Yolanda Housing Village in Barangay Polambato — a relocation site for survivors of Supertyphoon Yolanda — which was badly affected by the tremor. Reports indicate that eight bodies have been recovered from collapsed houses in the area,” anang Cebu Province FB page.
Samantala, kasama umano ni Pangulong Marcos Jr., ang iba pang mga opisyal ng kaniyang Gabinete partikular nina Department of Public Works and Highways Sec. Vince Dizon, Tourism Sec. Christina Frasco, Education Secretary Sonny Angara and Department of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian.
Matatandaang nauna nang magpaabot ng buong pusong pakikiramay at dasal si Pangulong Marcos Jr., sa mga residenteng naapektuhan ng magnitude ng nasabing lindol sa kaniyang inilabas na pahayag noong Miyerkules, OKtubre 1, 2025.
MAKI-BALITA: PBBM, nagpaabot ng pakikiramay, dasal para sa kaligtasan ng mga apektado ng magnitude 6.9 na lindol
Kung saan, inilahad din ng Pangulo na nasa mga apektadong lugar na ang mga Kalihim ng iba’t ibang ahensya upang tugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol.
Hinihikayat din niya na maging alerto at magtulong-tulong ang lahat na muling maitayo ang mga komunidad na naapektuhan.
MAKI-BALITA: VP Sara bumisita sa Cebu, nakisimpatya sa naapektuhan ng lindol
Mc Vincent Mirabuna/Balita