December 12, 2025

Home BALITA National

PBBM, nanindigang tuloy ang serbisyo sa gitna ng mga kontrobersiya

PBBM, nanindigang tuloy ang serbisyo sa gitna ng mga kontrobersiya
Photo courtesy: Bongbong Marcos (FB)


Nanindigan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpapatuloy ang serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan, sa kabila ng mga pumuputok na isyu at kontrobersiya sa bansa.

Sa isinagawang pagbisita ni PBBM sa Masbate noong Miyerkules, Oktubre 1, inihayag ng Pangulo ang pangangailangang magtrabaho kahit ano pa man ang nangyayari sa bansa.

“I guess we just have to keep working. Whatever is happening, kahit na ano ang nangyari, kahit may bagyo, kahit may iskandalo, kahit may gulo, ang taumbayan ay umaasa sa pamahalaan na tuloy ang serbisyo, tuloy ang trabaho ng pamahalaan at every level- at the national level, at the local level, na tuloy-tuloy lang,” ani PBBM.

Dagdag pa niya, hinalal umano sila ng taumbayan upang makapagserbisyo sa tao, at hindi mamulitika o maglaro.

“Kaming mga public servant, kaming mga hinalal ng taumbayan ay dapat nakikita na hindi naglalaro, na kung ano-ano ginagawa, namumulitika, whatever, basta’t nagtratrabaho lang para makapagserbisyo sa tao.”

Nang tanungin ukol sa kaniyang “ratings” bilang Pangulo, isiniwalat niyang wala umano siyang ideya ukol dito.

“You know what? I have no idea. I don’t look so much at the (survey). It’s, of course, nice to note. I didn’t know about that. But now that you tell me, of course, I’m glad that it’s that way. I guess we just have to keep working,” anang Pangulo.

Mababasa sa isang report ng Presidential Communications Office (PCO) na naglabas ng resulta ang Social Weather Stations (SWS) hinggil sa sarbey para sa ikalawang quarter ng 2025, na ipinapakitang 46% ng mga Pilipino ay “satisfied” umano sa performance ni PBBM, mas mataas kumpara sa 38% noong Abril.

Matatandaang ang pagbisitang ito ng Pangulo ay tugon sa mga lubhang nasalanta ng Severe Tropical Storm “Opong” kamakailan, kasabay ang pag-aabot niya ng dasal at pakikiramay para sa mga naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu.

MAKI-BALITA: PBBM, nagpaabot ng pakikiramay, dasal para sa kaligtasan ng mga apektado ng magnitude 6.9 na lindol-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA