December 13, 2025

Home BALITA

Netizens, napadasal matapos lumutang posibleng panganib ng “The Big One”

Netizens, napadasal matapos lumutang posibleng panganib ng “The Big One”
Photo courtesy: Hazard Watch Philippines (FB)


Napadasal ang netizens matapos bumalik ang kanilang takot nang lumutang ang posibleng epekto ng “The Big One,” na may tantsang lakas na aabot sa 7.2 magnitude, sa West Valley Fault.

Ibinahagi ng Hazard Watch Philippines, isang community organization na layong maghatid ng mga “hazard-related happenings” sa bansa, sa kanilang Facebook post nitong Huwebes, Oktubre 1, ang posibleng pinsala ng nasabing lindol.

“Ang nangyaring magnitude 6.9 na lindol sa Visayas nitong Martes ng gabi, September 30, ay isang ehemplo kung bakit kailangan tayo maging handa sa biglang pagyanig ng lupa. Na-trigger ito ng isang fault line na hindi gumalaw ng higit 400 TAON,” ani Hazard Watch Philippines.

Anila, ito raw ay “same case” sa West Valley Fault, na noong 1658 pa huling gumalaw.

“Same case ito sa West Valley Fault na kung saan ilang siglo na ang nakalipas noon pang gumalaw ito. (Muli itong gumalaw noong 1658). Ayon sa panayam ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), maaari itong mag-trigger ng isang magnitude 7.2 na lindol na dudulot ng matinding pinsala sa mga lugar na dinaanan nito at karatig-probinsya gaya ng #Bulacan, #MetroManila, #QuezonProvince, #Rizal, #Cavite at #Laguna,” anila.

Nagpaalala rin ang nasabing organisasyon na tinatayang 168,000 mga gusali ang maaaring gumuho, at 33,000 katao ang maaaring mamatay, kung kaya’t dapat na paghandaan ito sapagkat wala umanong oras o panahon na pinili ang lindol.

Kalakip ng nasabing post ang isang pubmat na nilikha ng organisasyon na may impormasyong galing sa PHIVOLCS.

Hindi naman napigilan ng netizens na mapadasal at mapakomento sa nasabing post.


Matatandaang noong Martes ng gabi, Setyembre 30, isang 6.9 magnitude na lindol ang naganap sa Bogo City, Cebu, na nagresulta sa pagkasira ng mga establisyimento, at pagkamatay ng ilang mga residente.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nagpaabot ng pakikiramay, dasal para sa kaligtasan ng mga apektado ng magnitude 6.9 na lindol-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA