Isa sa mga tinitingnang sanhi sa naganap na trahedya ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, sa Cebu noong Martes ng gabi, Setyembre 30, ay ang offshore fault na hindi umano gumalaw sa loob ng 400 na taon.
Ayon ito sa ibinahaging pahayag ni Winchelle Sevilla, hepePhilippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Seismology Division, noong Oktubre 1, 2025, sa ABS-CBN News Channel (ANC).
Pagpapaliwanag ni Sevilla, isang napakalakas na lindol umano ang magnitude 6.9 na nangyari sa Cebu ayon sa naobserbahan ng kanilang ahensya.
“Ang magnitude 6.9 ay isang napakalakas na lindol. Kaya nitong mag-generate ng ground shaking na destructive. ‘Yan actually ‘yong ating naobserbahan at base na rin sa mga information na nakarating sa atin, nakita naman po natin sa mga social media, halimbawa. Marami pong mga estruktura ang na-damage at unfortunately meron po tayong mga casualties,” saad ni Sevilla.
Pagpapatuloy pa ni Sevilla, posible umanong naging sanhi ng ganoong kalakas na lindol na nangyari sa Cebu ang isang fault sa nasabing lugar na hindi gumalaw sa loob ng 400 taon.
“Itong lugar kung saan nag-occur ‘yong earthquake, kung titingnan natin ‘yong earthquake catalogue natin, at least in the last 400 years, hindi ito nakaka-experience ng ganyan kalakas na earthquake. Ibig sabihin, ‘yong fault na gumalaw, hindi po siya ganon kadalas ang kaniyang paggalaw,” anang Sevilla.
Dagdag pa niya, mayroon na umanong nararamdaman noon pa na pagyanig ng lupa sa nasabing lugar ngunit aabot lamang ang mga nasabing paggalaw ng lupa sa lakas na magnitude 4.
“Mayroon po tayong mga nade-detect na earthquake po dito pero mahihina lamang po ito. Mga magnitude 4 pababa. Usually po, hindi po ito nararamdaman,” ‘ika ni Sevilla.
“So ito pong earthquake na nangyari po dito po malapit sa city of Bogo[...] sa ngayon po, ang tinitingnan po natin ay offshore fault na with in the last 400 years, hindi po siya gumagalaw,” pagtitiyak pa niya.
“So para po malaman natin at magkaroon pa po tayo ng mas masusing impormasyon dito po sa fault na gumalaw, magpapadala po tayo ng quick response team para po malaman po natin kung ano po ‘yong fault na gumalaw,” pagtatapos ni Sevilla.
Samantala, ayon sa mga pinakabagong tala nitong Huwebes, umakyat na sa 72 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa nasabing lindol na nangyari sa Bogo City, Cebu, habang aabot naman sa 294 ang kabuuang bilang ng mga nagtamo ng sugat sa naturang pagyanig.
MAKI-BALITA: Magnitude 6.7 na lindol, yumanig sa Bogo City, Cebu
MAKI-BALITA: Lindol, nagdulot ng maraming pagkamatay sa San Remigio, Cebu
Mc Vincent Mirabuna/Balita