Inilahad ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dating Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga natuklasan umano niya noon sa pag-iimbestiga sa mga anomalya at korapsyong nagaganap sa bansa.
Ayon sa ibinahaging pahayag ni Magalong sa pagdinig ng Committee in Science and Technology at Committee on Finance sa Senado nitong Huwebes, Oktubre 2, 2025, sinagot niya ang naging kahilingan ni Sen. Bam Aquino sa kaniya na ilahad ang kaniyang mga natuklasan sa loob ng dalawang linggong pag-iimbestiga sa korapsyon noong siya’y nasa ICI pa.
Ani ni Magalong, natuklasan umano niyang mayroong tatlong sektor ng mga korap na nasa gobyerno.
“I had a very brief stay in the ICI, Mr. Chair. One thing that I have found out, there’re actually three (3) players. ‘Yong mga korap na politiko, ‘yong mga korap na bureaucrats, ‘yong mga korap na DPWH officials at ‘yong mga korap din na contractors,” panimula ni Magalong.
Pahabol pa niya, “Lahat sila korap!”
Pagpapatuloy ni Magalong, tila naging “cottage industry” at “livelihood program” na umano ang sistema ng korapsyon sa loob ng gobyerno ayon sa nakita niya.
“And the way I see it, it just [became] a cottage industry. A livelihood program sa laki ng perang involve. There should be five (5) major players. ‘Yong funder—usually ‘yong mga lawmakers, the DPWH, ‘yong mga contractors, local government, at ‘yong community,” anang Magalog.
“Pero ni-ease out ‘yong dalawa. So sila-sila lang ‘yong nag-uusap,” dagdag pa niya.
Ayon kay Magalong, kapag umano kinukuwestiyon nila ang transparency ng records ng mga ahensyang iniimbestagahan nila ngunit hindi umano pumapayag ang mga ito.
“Most of the time, when we asked them. ‘Bakit hindi kayo transparent sa records?’ Ang lagi nilang sinasagot is ‘Paano kung i-alter nila? Paano kung baguhin at sirain kami sa social media?’
“Ibig sabihin, ano’ng mechanism? And this is the reason why I am pursuing the transparency at accountability mechanism,” pagkukuwento pa ni Magalong.
Matatandaang nagbitiw na si Magalong sa nasabing puwesto niya sa ICI nitong Setyembre 26, 2025.
MAKI-BALITA: Magalong, nag-resign na bilang ICI special adviser
Sa resignation letter na ipinadala ni Magalong noon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sinabi niyang pinalamya umano ng mga pahayag ng Palasyo ang tungkulin at mandatong ipinagkatiwala sa kaniya.
“The Palace's pronouncements concerning my designation, which run contrary to the terms of my appointment, have undermined the role and mandate entrusted to me,” saad ni Magalong.
Dagdag pa ng alkalde, ”Combined with circumstances that already cast doubt on the independence of the Independent Commission for Infrastructure, it has become clear that my continued service is no longer tenable.”
Matatandaang ipinag-utos ng Pangulo sa kaniyang legal team na pag-aralan ang pagkatalaga kay Magalong bilang special adviser ng komisyon dahil sa posibleng conflict of interest.
Mc Vincent Mirabuna/Balita