January 25, 2026

Home FEATURES

KILALANIN: Si Jane Goodall na tinaguriang ‘chimpanzee champion’

KILALANIN: Si Jane Goodall na tinaguriang ‘chimpanzee champion’
Photo courtesy: Jane Goodall Institut Schweiz (FB)


Matapos ang kaniyang 65 na taong pag-aaral sa gawi at buhay ng mga chimpanzee sa Silangang Africa, at ang kaniyang malawakang panawagan para sa proteksyon ng mga tao, hayop, at kalikasan, si Jane Goodall ay pumanaw na nitong Oktubre 1, sa Los Angeles, dahil sa “natural causes,” sa edad na 91.

Pangunahing Impormasyon ni Jane Goodall

Si Valerie Jane Morris-Goodall, mas kilala bilang si Jane Goodall, ay isinilang noong Abril 3, 1934 sa Hampstead, London, United Kingdom. Siya ay anak ng manunulat na si Margaret Myfanwe Joseph at ng Motorsports racing driver na si Mortimer Herbert Morris-Goodall.

Siya ay kasal mula 1964 hanggang 1974 sa dating asawa na si Hugo van Lawick, isang Dutch photographer and filmmaker, at biniyayaan ng isang anak na lalaki na si Hugo Eric Louis van Lawick.

Nang maghiwalay sa pamamagitan ng divorce, nagpakasal naman si Goodall sa direktor na si Derek Bryceson. Tumagal ang kanilang buhay mag-asawa mula 1975 hanggang 1980, nang pumanaw si Bryceson dahil sa kanser.

BALITAnaw

BALITAnaw: Dedikasyon para sa demokrasya ni ex-Pres. Cory Aquino



Si Goodall ay isa ring United Nations Messenger of Peace, “world-renowned ethologist,” “conservationist,” “humanitarian,” at ang nagtatag ng “Jane Goodall Institute,” noong 1977, na layong pangalagaan ang “wildlife” at paigtingin ang “environmental conservation.”

Mga legasiyang iniwan ni Jane Goodall

Kilala si Goodall sa buong mundo dahil sa 65 taon na pag-aaral nito sa mga “wild chimpanzees” sa Gombe, Tanzania. Matapos ito, inilaan niya ang kaniyang natitirang mga taon bilang isang global advocate para sa karapatang pantao, karapatan ng mga hayop, proteksyon ng kalikasan, at iba pang mga isyu na hinaharap ng mundo.

Nag-akda si Goodall ng haigit 27 mga libro, na tinampok sa ilang mga dokumentaryo at mga pelikula, kasama na ang dalawang IMAX productions.

Noong 2019, pinasinayaan ng “National Geographic” ang “Becoming Jane,” isang travelling exhibit na layong ipakita ang pag-aaral ni Goodall sa mga chimpanzees sa Africa, upang maunawaan ng mga tao kung paano mamuhay ang mga nasabing hayop.

Ang kaniyang pinakabagong lathala na “The Book of Hope: A Survival Guide for Trying Times,” ay nakasalin sa higit 20 mga wika.

Mga natanggap na pagkilala

Dahil sa kontribusyon sa iba’t ibang larangan, tumanggap si Goodall ng samu’t saring mga pagkilala sa mundo.

Noong 2002, siya ay kinilala bilang United Nations Messenger of Peace. Matapos lamang ang dalawang taon, siya ay naging Dame Commander of the Order of the British Empire (DBE), sa Buckingham Palace.

Natanggap niya rin ang pagkilala bilang United States Presidential Medial of Freedom, French Légion d’honneur, Benjamin Franklin Medal in Life Science, ang prestihiyosong Kyoto Prize mula sa Japan, Ghandi-King Award for Nonviolence, The Medal of Tanzania, at ang Tyler Prize for Environmental Achievement.

Mga Pinangunahang Organisasyon

Itinatag ni Jane Goodall ang Jane Goodall Institute (JGI) noong 1977, na sa kasalukuyan ay mayroon nang 25 na opisina sa mundo.

Noong 1991, itinatag naman niya ang Roots & Shoots, isang humanitarian at programa para sa kalikasan na bukas sa mga kabataan. Nagsimula lamang ito sa 12 mga mag-aaral mula sa high school sa Dar es Salaam. Ngayon, aktibo na ang inisyatibong ito sa halos 75 na mga bansa.

Itinayo rin niya ang Jane Goodall Legacy Foundation noong 2017, na layong siguruhin ang patuloy na operasyon ng mga programang itinatag niya.

Ang buhay ni Jane Goodall ay isang testamento na ang isang inisyatibo mula sa isang tao ay kayang bumuo ng malawakang pagbabago sa mundo. 

Ang mga legasiyang hatid ni Goodall, hindi lamang sa larangan ng Agham, kung hindi pati na rin sa mga karapatan ng mga tao at hayop, at ang maigting na pagprotekta sa kalikasan, ay patuloy na kikilalanin hanggang sa mga susunod na henerasyon.

Vincent Gutierrez/BALITA