Minsan sa buhay Kristiyano, dumarating tayo sa punto na mapapatanong tayo ng “may nangyayari ba sa mga dasal ko?” o kaya “naririnig ba ako ng Diyos?”
Totoong nakakabalisa at nakakapagod ang maghintay. Gayunpaman, isa sa mga pangako ng Diyos ay ang patuloy na daloy ng pagpapala basta tayo’y magtibay sa paniniwala sa Kaniya, maliit man o malaki ang ating pananampalataya.
“Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” - Mateo 17:20
Hindi man natin nakikita, ang Diyos ay kumikilos para tugunin ang ating panalangin sa paraan na higit pa sa ating hinihiling.
Dahil sa Kaniyang katapatan at kadakilaan, ang imposible ay nagiging posible.
Katulad ng paghihimala ni Hesus sa pagpapakain ng limang libo, ipinapakita na ang Kaniyang tugon ay hindi limitado sa kung ano ang mayroon tayo sa kasalukuyan, bagkus, ito ay repleksyon ng Kaniyang kabutihan at kakayahan.
“Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay.” - Mateo 14:19-20
Lumapit ka lamang sa Panginoon at palakasin ang sarili sa Kaniyang presensiya, dahil sa piling Niya, mayroong kapanatagan at saya na hindi mapapantayan ng kahit ano o sino sa mundo.
Sa Kaniya, makakakuha ka ng lakas at tibay na magtiwala muli.
“Muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina.” - Isaias 40:31
Sean Antonio/BALITA