'IMEE HAS LEFT THE GROUP'
Nag-leave na umano si Senador Imee Marcos sa group chat nila ng mga kapwa niyang Senador matapos umano siyang payuhan ni Senate President Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson na magbasa umano ng group chat.
"Bakit? Ano ba ang laman ng groupchat? ng session? ng hearing? Hindi ba’t panggigipit lang sa kapwa senador? Samantalang sa Kongreso ay si Zaldy Co lamang," saad ni Marcos sa isang pahayag nitong Huwebes, Oktubre 2, kalakip ng mga screenshot ng pag-alis niya sa isang group chat na may group name na "20th Congress Senators."
"Noon, kapag may sakuna o delubyo, lahat ng senador, sa tulong ng pamumuno nito ay nagkukumahog manawagan ng pakikiisa, nagpapaikot ng ambagan," ayon pa sa senadora. "Ngayon, ito ang inaatupag, SIRAAN, na mas malala pa sa lindol."
Giit pa niya, "Ayoko dyan. Ang gusto ko ay magtrabaho, kung tunay kayong nakikinig sa sessions alam sana ninyong nakapagpasa na ako ng 2 International Treaties at naghain na ako ng bagong Coop Code."
"Mula nang mahalal noong Mayo, meron na akong 3 batas, Barangay at SK term extension, Konektadong Pinoy at Libreng Libing. Yan ay habang busy kayo sa pang-aapi sa kapwa senador," ika pa ni Marcos.
"Tigilan nyo ang pagmamagaling at pang-aaway."
Nito ring Huwebes nang sabihin ni Marcos na nalilito na raw sila sa Senado dahil may mga usap-usapan umano na hindi na magkakaroon ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee na pinangungunahan ni Lacson.
"Nalilito kami sa Senado at ang balita, 'di na raw magpapa-hearing ang blue ribbon kundi maglalabas na si Senator Lacson ng partial report. Baka may pinag-usapan sa majority caucus? Iba naman ang binalita, 'yong ipapatawag si Zaldy at Bonjing," anang senadora.
Sagot ni Lacson, "Mag-attend sana siya ng BRC (blue ribbon committee) hearing para hindi siya malito, at makinig siya sa session hall para hindi siya naguguluhan. Also, magbasa siya ng mga announcements sa all-senators chat group para updated siya."
Ngayong linggo, walang isinagawang pagdinig ang naturang komite at wala pang binabanggit kung kailan ang susunod na pagdinig dahil naghihintay pa ito ng mga "development."
Nauna na ring sinabi ni Lacson na iniimbitahan nila sa susunod na pagdinig sina dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez.