December 14, 2025

Home BALITA Probinsya

Financial agencies sa bansa, handang tumulong sa mga apektado ng lindol

Financial agencies sa bansa, handang tumulong sa mga apektado ng lindol
Photo courtesy: DOF, Cebu People's Action Center (FB)

Tiniyak ni Department of Finance (DOF) Sec. Ralph Recto na handang magbigay ng tulong-pinansyal ang financial agencies sa bansa, para sa mga biktima ng 6.9 magnitude na lindol sa Cebu. 

Sa pahayag ni Recto noong Miyerkules, Oktubre 1, ibinahagi niya na ang pag-abot ng tulong sa probinsya ng Cebu ay pangungunahan ng DOF, government financial institutions (GFIs), at government-owned and controlled corporations (GOCCs). 

“Lubos po kaming nakikiisa at nakikiramay sa ating mga kababayan sa Cebu na biktima ng lindol. Handa po ang DOF at ang ating mga GFIs at GOCCs na magbigay ng agarang tulong, at ang buong gobyerno ay agad na kikilos para tiyakin na tayong lahat ay muling babangon bilang isang bansa,” saad niya. 

Dito ay tiniyak din niya na ang gobyerno ay may sapat na pondo para matugunan ang pangangailangan ng bawat Pilipinong apektado ng lindol.

Probinsya

Unang fully air-conditioned public school, bukas na sa San Pedro, Laguna

“We assure the Filipino people that we have more than enough funds to support the victims, lalo na ang ating mga magsasaka, manggagawa, estudyante, at bawat pamilyang Pilipino na apektado ng trahedya,” dagdag ni Recto.

Ibinahagi rin ng Kalihim na handa nang maipamahagi ang mga agarang tulong sa ilalim ng Quick Response Fund (QRF) ng national government at National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF). 

Sa pamamagitan rin ng isang circular, nagbaba ng direktiba si Recto sa GFIs at GOCCs na pabilisin ang mobilisasyon ng ground support sa publiko pagkatapos ng kalamidad. 

Kasama dito ang mas mabilis na pagproseso ng insurance claims para sa mga nasirang kagamitan, pagbibigay-assistance sa mga apektadong lugar, at short-term loans para sa pagsasaayos ng mga kagamitan at recovery ng hanapbuhay. 

“Our goal is to make sure that when calamity strikes, the GFIs and GOCCs respond without delay. They must also be the first responders to restore essential public services and work hand in hand with the government to help our people recover faster,” aniya. 

Ayon pa kay Recto, handa ang SSS na magbigay ng ₱10 bilyon hanggang ₱ 15 bilyon sa ilalim ng kanilang Calamity Loan Program.

Ang Government Service Insurance System (GSIS) naman ay magbibigay ng tulong sa pamamagitan ng kanilang calamity at emergency loans.

Gayundin ang Pag-IBIG (Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno) naman ay magpapaabot ng assistance sa pamamagitan rin ng kanilang calamity loans at insurance claims para mga may sanglang bahay. 

Bilang parte rin ng Disaster Risk Finance strategy, ang Bureau of the Treasury (BTr) ay handa na mag-file ng claim sa ilalim ng National Indemnity Insurance Program (NIIP) para sa rehabilitasyon ng mga pampublikong paaralan na nasira ng lindol. 

Ang DOF rin ay handang magbigay-suporta sa local government units (LGUs) sa pamamagitan ng People’s Survival Fund na nakapagapruba na ng mga proyektong nagkakahalaga ng ₱ 1.421 bilyon. 

Sean Antonio/BALITA