Tila may good news ang stand-up comedian na si Gil Morales o mas sikat sa tawag na "Ate Gay" matapos niyang ibahagi ang latest development sa malaking bukol na tumubo sa kaniyang kanang leeg.
Sa latest Facebook post ng komedyante nitong Huwebes, Oktubre 2, mukhang unit-unti raw ay lumiliit na ang nabanggit na bukol, na isang uri ng cancer.
"Ambilis ng pagliit ng bukol in 3days… 10cm naging 8.5 … maraming salamat po sa inyong lahat na nanalangin ng aking anggarang paggaling.. patuloy lang po…." mababasa sa post ni Ate Gay.
Sumailalim si Ate Gay sa radiation therapy sa tulong ng mga espesyalista sa Asian Hospital.
Matatandaang ibinahagi ni Ate Gay na marami raw "angels" na ipinadala sa kaniya ang Diyos dahil sa dami ng mga nagmamahal para sa kaniya at nagnanais na tumulong, kahit libre lang.
Maging ang tinutuluyang condo unit ni Ate Gay sa Alabang na malapit sa ospital, naibahagi rin niyang free accommodation sa kaniya ng isang mag-asawang fans na minsan na niyang napasaya noon.
Sa loob daw ng 35 araw, mananatili sa nabanggit na condo unit si Ate Gay habang isinasagawa ang radiation therapy, at take note, libre rin ang pagkain. Kaya naman todo-pasalamat si Ate Gay sa mag-asawang "Mary Grace at Reggie" na talaga namang hindi nag-alangang tulungan siya. Paliwanag ng mag-asawa, faney raw ni Ate Gay ang lolo ng isa sa mga couple.
Iniinda ni Ate Gay ang isang uri ng cancer na tinatawag na mild pallid tumor, o mucoepidermoid cancer versus squamous cell carcinoma.
Sa panayam kay Ate Gay ng showbiz insider na si Ogie Diaz, sinabi raw ng doktor sa kaniya na wala na raw lunas ang nabanggit na sakit, at tinaningan pa ang komedyante na baka hanggang 2026 na lamang daw mabubuhay.
Batay sa National Institute of Health (NIH), ang sakit ni Ate Gay ay "most common malignant, locally-invasive tumor of the salivary glands, and accounts for approximately 35% of all malignancies of the major and minor salivary gland."
KAUGNAY NA BALITA: 'Gusto ko pang mabuhay!' Ate Gay, lumalaban sa malubhang sakit
KAUGNAY NA BALITA: Bilang pasasalamat: Ate Gay, dinalaw ng isang doktor na napapatawa niya