Iniutos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang agarang road clearing at pagsasaayos ng mga ospital sa Cebu matapos ang pagyanig ng 6.9 magnitude na lindol sa probinsya kamakailan.
“Ang instruction ng Pangulo, lahat ng mabilis na magagawa natin, gagawin natin. Para sa DPWH, ang first order ay i-clear po ang mga kalsada,” saad ni Dizon sa kaniyang panayam sa DZRH nitong Huwebes, Oktubre 2.
Ibinahagi niya na habang walang bumagsak ng tulay, uunahin ng ahensya ang assessment ng mga ito sa buong probinsya, kasunod ang government buildings.
“Ang uunahin po natin ay ‘yong pag-assess ng napakaraming tulay sa buong probinsya ng Cebu, lahat ng tulay kailangan i-assess. Although, wala namang bumagsak na tulay, pero syempre, sa lakas ng lindol na ito ay kailangan, mai-assess ‘yan, so pinapaspasan na rin natin ‘yan,” saad niya.
“Susundan na rin natin, ‘yong government buildings, na i-assess. Tulong-tulong na po ito. Local government, provincial government, national government, DPWH, pati na rin ‘yong mga pampribadong kontratista, minobilize ko na rin po. ‘Yan na ang ginawa starting kahapon [Miyerkules, Oktubre 1],” dagdag niya pa.
Binanggit din niya na magpapadala ng mga diver ang ahensya para silipin ang pundasyon ng mga gusali sa ilalim ng dagat bilang parte ng kanilang assessment sa probinsya ng Cebu.
Sa kasalukuyan, passable o nadadaanan ang mga tulay at kalsada para sa light vehicles.
“Ngayon po, passable po lahat [kalsada at tulay], pero light vehicles lang. Wala tayong pinapadaan na mga truck. ‘Yong sa ibang mga tulay na umalsa ‘yong pavement, talaga istrikto tayo , padahan-dahan po ang mga pagdaan ng mga sasakyan natin, puro light vehicles lang, lalo na sa norte,” saad niya.
“Sa south at Cebu City, nakakadaan naman po ‘yong heavy vehicles, puwera doon sa first bridge,” dagdag niya pa.
Kasama rin daw sa prayoridad ng DPWH ay ang pagbabalik ng serbisyo sa Bogo Hospital dahil sa mga pasyente na kasalukuyang nananatili sa labas ng pasilidad.
“Nagbigay ako ng instruction na isang araw lang, ma-clear na agad ang ospital at talagang ayusin na agad para magamit na ang operating room, emergency room, at delivery room,” saad niya.
Tiniyak ng Kalihim na nitong Huwebes rin ay magagamit na ang loob ng Bogo Hospital, habang ang mga pasyente na nasa kritikal na kalagayan ay nailipat na sa ibang ospital.
“Tuloy-tuloy lang tayo at kailangan po talaga paspasan po talaga ‘yung trabaho doon,” aniya.
Sean Antonio/BALITA