December 17, 2025

Home FEATURES Trending

‘₱19 with a heart:’ Volunteers sa Cebu, naantig sa donasyon ng isang matanda

‘₱19 with a heart:’ Volunteers sa Cebu, naantig sa donasyon ng isang matanda
Photo courtesy: Jennivieve Abelgas Caminero (FB)

“You can help no matter how little you have.”

Naantig ang volunteers sa isang donation drive drop off dahil sa isang matanda na lumapit para magbigay ng ₱19 para sa mga naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol sa probinsya ng Cebu kamakailan.

Sa kasalukuyang viral post, ibinahagi ng isang volunteer mula sa Rotary Club of Mandaue, na isang matandang may bitbit na sako habang gusot ang damit, ang nag-abot ng ₱19 mula sa kaniyang bulsa bilang donasyon.

“Niduol si Tatay, nagdala ug sako, iyang sanina nagkabulingit pa tawn. Nikuot sa bulsa—-Php 19 pesos nga kinasingkasing nga hinabang. Dli unta mi mudawat ug cash kay through bank transfer ra. Pero dili mi kalibad ni Tatay, gikumot among kasingkasing. (Lumapit si Tatay, may dala siyang sako, at ang suot niyang damit ay marumi pa. Kinuha niya ang laman ng bulsa—Php 19 pesos na taos-pusong donasyon. Hindi sana kami tumatanggap ng cash dahil bank transfer lang talaga, pero hindi namin kayang tanggihan si Tatay. Talagang nadurog ang puso namin), saad sa nasabing post.

Trending

French fries outlet, nilansihan franchisee matapos umanong maghain ng business proposal?

“Nanguta pa si Tatay kung naa paba ig Lunes kay mubalik siya mangolekta kuno siya ug mga tshirts nga ma donate. (Tinanong pa ni Tatay kung meron pa bang activity sa Lunes dahil babalik daw siya para mangolekta ng mga t-shirt na pwedeng i-donate), dagdag pa rito.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Jennivieve Abelgas Caminero, ang may-ari ng post, nakita nila si Tatay Chel na naglalakad sa kalsada, na may dalang sako at lumapit ito sa kanila para magtanong kung puwede magbigay ng donasyon.

“He was just walking by the road, may dala siyang sako bag, and then he asked if he can donate, may dala siyang 19 pesos,” saad ni Jennivieve.

Ibinahagi rin niya na tinanong rin ni Tatay Chel kung mananatili pa ba sila sa lungsod hanggang Lunes dahil mangangalap pa siya ng mga damit na puwedeng i-donate.

Bagama’t umani na ng mahigit 30K engagement ang kaniyang post, hindi nila inaasahan ang pag-viral nito online, kaya dito ay napagtanto ni Jennivieve na kahit na sa simpleng akto ng kabutihan, puwede pa ring makapagbigay, at sa harap ng sakuna, naghahanap pa rin ang mga tao ng mga istoryang nagpapakita ng kabutihan.

“It goes to show, you can help no matter how little you have,” saad niya.

Bukod pa raw kay Tatay Chel, ibinahagi rin ni Jennivieve na mayroon pang mga nagmagandang-loob na mag-donate sa kabila ng kanilang limitadong kakayahan tulad ng taxi driver na nag-abot ng parte ng kaniyang kita, at isa pang tatay na nag-abot ng ₱300 sa layong makatulong.

“It’s heartwarming and inspiring to see Cebu with so much passion to help. Sa groceries, nagkakaubusan na ng easy and quick food, at marami ring volunteers na gustong tumulong. You can see the heart of Cebuanos helping out,” saad ni Jennivieve sa mga napagtanto niya sa pangyayari.

Dahil dito, nagbigay din ng mensaheng pasasalamat si Jennivieve kay Tatay Chel.

“Tatay, thank you so much talaga. Thank you for the donation, I know that really came from the heart. This is not just something viral, but an inspiring story to tell. Tatay, God bless you po,” aniya.

Sa pagtatapos ng panayam, binanggit ni Jennivieve na para sa mga nais mag-donate sa mga naapektuhan ng lindol sa kanilang probinsya, ang pinaka kinakailangan ng mga residente ay mga pagkaing ready-to-eat, tubig, at mga trapal na puwedeng maging silungan.

Sean Antonio/BALITA