Wala umanong problema kay Unkabogable Star Vice Ganda kung matawag man siyang “sir” ng sinoman.
Sa isang episode kasi ng “It’s Showtime” noong Martes, Setyembre 30, naipagkamali ng isang contestant ng “Laro, Laro, Pick” na tawaging “sir” si Vice habang ipinapaliwanag ang pinanggalingan ng “1K” sa pangalan niya.
“Kasi po no’ng ipinaganak po ako, Sir, napulupot po ‘yong bituka ko. Umikot. Kaya [naghugis] tatlong zero ‘yong pumulupot sa akin,” paliwanag ng contestant na kinilalang si “Tony 1K.”
Pero hindi naman nagpakita ng pagkainis si Vice kahit tila tinutukso-tukso ng iba niyang co-host ang maling pagtawag ng contestant sa kaniya.
Kaya sabi niya, “For once and for all, let’s normalize maybe called ‘sir.’ Para hindi na siya ginagawang katatawanan. Normal lang ‘yon.
“Pero puwede rin akong ‘ma’am’ ha. Okay din naman ako sa ‘ma’am,’” dugtong pa ng Unkabogable Star.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Vice na wala umano siyang paki kung matawag man siyang “sir” sa isa ring episode ng “It’s Showtime” noong Hunyo 2022.
Sa kabilang banda, nagpaalala naman siyang hindi niya kagaya ang iba. May iba rin kasing kailangan munang tanungin kung paano sila tatawagin o kung anong pronoun ba ang gagamitin sa kanila.
Maki-Balita: Vice Ganda, kebs kung tawaging 'Sir' o 'Ma'am' ngunit may paalala sa lahat