December 13, 2025

Home BALITA National

PBBM, nagpaabot ng pakikiramay, dasal para sa kaligtasan ng mga apektado ng magnitude 6.9 na lindol

PBBM, nagpaabot ng pakikiramay, dasal para sa kaligtasan ng mga apektado ng magnitude 6.9 na lindol
Photo courtesy: PCO (FB), MB


Nag-abot ng buong pusong pakikiramay at dasal si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga residenteng naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu noong Martes ng gabi, Setyembre 30.

Ibinahagi ni PBBM sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Oktubre 1, ang kaniyang pahayag hinggil sa nasabing kalamidad.

“Mga kababayan, kagabi ay niyanig ng magnitude 6.9 na lindol ang Cebu, na may epicenter sa karagatan, humigit-kumulang 19 kilometro hilaga-silangan ng Bogo City,” ani PBBM.

“Buong puso akong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at kasama sa aking mga dasal ang kaligtasan ng mga nasugatan at lahat ng naapektuhan ng lindol,” dagdag pa niya.

Inilahad din ng Pangulo na nasa mga apektadong lugar na ang mga Kalihim ng iba’t ibang ahensya upang tugunan ang pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes



“Nasa mga apektadong lugar na po ang ating mga Kalihim upang magbigay ng tulong at suriin ang pinsala mula sa lindol at mga aftershock. Tinitiyak ng DPWH ang kaligtasan ng mga kalsada at tulay, ang DOE ay kumikilos upang maibalik ang suplay ng kuryente, ang DOH ay nagpadala ng karagdagang tauhan sa mga ospital, at ang DSWD ay naghatid ng pagkain at iba pang tulong,” anang Pangulo.

“Katuwang ang BFP sa search and rescue, habang ang PNP ay nakatutok sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtulong sa mga operasyon ng pagliligtas. Pinamumunuan ng OCD at NDRRMC ang koordinasyon ng lahat ng ahensya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon,” dagdag pa niya.

Hinihikayat din niya na maging alerto at magtulong-tulong ang lahat na muling maitayp ang mga komunidad na naapektuhan.

“Hinihikayat ko ang lahat na manatiling alerto at makinig sa abiso ng inyong lokal na pamahalaan. Sama-sama nating itawid ang ating mga kababayan at muling itatayo ang mga komunidad na naapektuhan,” ani PBBM.

Matatandaang kasabay ang mga pahayag na ito, personal na bumisita si PBBM sa probinsya ng Masbate upang kumustahin at abutan ng tulong ang mga nasalanta ng Severe Tropical Storm “Opong” kamakailan.

Vincent Gutierrez/BALITA