Inamin ng action star na si Jeric Raval na "nadulas" lang siya nang sabihin at kumpirmahin niyang may mga apo na siya sa anak na si AJ Raval at partner niyang si Aljur Abrenica.
Sa guesting ni Jeric sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Martes, Setyembre 30, kinumpirma niyang sa kasalukuyan ay 15 na ang mga apo niya sa mga anak.
Sa huling guesting ni Jeric sa nabanggit na talk show, nasa 13 pa lamang ang mga apo niya, pero ngayon nga ay 15 na dahil sa dalawang anak nina AJ at Aljur.
Natanong ni Boy si Jeric kung nagalit ba ang dalawa sa kaniya.
"Hindi naman, actually nadulas lang ako no'n eh," natatawang sagot ni Jeric.
Ikinuwento ni Jeric na hindi niya namalayang nasabi na niya ang totoo sa isang press conference, at ayaw naman daw niyang i-deny ang mga nasabi na niya dahil magmumukha naman siyang sinungaling.
KAUGNAY NA BALITA: Jeric, 2 na ang apo kina AJ at Aljur!
Hindi naman daw nagalit sa kaniya ang dalawang magkarelasyon.
Matatandaang isang taon na rin ang nakalilipas, Agosto 2024, nang magsimulang uriratin si AJ kung may anak na nga ba sila ni Aljur.
Ito ay matapos lumutang ang isang video na makikitang kasama ng dalawa ang isang batang babaeng naka-facemask. Kalaunan pinabulaanan ni AJ ang naturang intriga sa isang panayam.
“First of all, hindi po ako taon-taon buntis. Parang yearly na lang akong buntis," natatawang saad ni AJ.
KAUGNAY NA BALITA: AJ sa love child daw nila ni Aljur: 'Parang yearly na lang ako buntis!'
Samantala, noong 2021 naman, inihayag ni AJ ang plano niya pagpapatapyas ng boobs dahil hindi na umano siya komportable rito.
KAUGNAY NA BALITA: AJ Raval, nagpa-enhance ng boobs; balak ipatapyas sa 2022
Matatandaang ilang beses na ring naibahagi ng veteran showbiz insider na si Cristy Fermin ang tungkol sa pagbubuntis at panganganak ni AJ, sa kaniyang vlog na "Showbiz Now Na."