Nagdulot ng pagkasawi sa maraming katao sa bayan ng San Remigio sa Northern Cebu, ang malakas na lindol na yumanig nitong Martes ng gabi, Setyembre 30.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), dakong alas-9:59 ng gabi, may lakas na magnitude 6.7 ang lindol na may lalim na 10 kilometro, at natukoy ang epicenter nito sa layong 17 kilometro hilagang-silangan ng Bogo City, Cebu (11.09° Hilagang Latitud, 124.13° Silangang Longhitud).
Batay sa reported intensities, naramdaman ang lindol sa San Fernando, Cebu (Intensity III) at sa Laoang, Northern Samar (Intensity II).
Samantala, ayon sa instrumental intensities na naitala ng Phivolcs, umabot sa Intensity VI ang pagyanig sa Cebu City at Villaba, Leyte.
KAUGNAY NA BALITA: Magnitude 6.7 na lindol, yumanig sa Bogo City, Cebu
Ayon naman sa ulat ng Manila Bulletin, nagaganap ang isang laro ng basketball sa San Remigio Sports Complex and Recreation Center nang biglang maramdaman ang pagyanig.
Ilan sa mga nasawi ay nadaganan ng gumuhong debris habang nagmamadaling lumabas ng gusali.
Samantala, sa isang hiwalay na insidente, kinumpirma ni Capt. Jan Elcid Layug, hepe ng San Remigio Municipal Police Station, na isang bata ang nasawi matapos maipit ng debris habang natutulog sa kanilang bahay.
Patuloy na mino-monitor ng Phivolcs ang nasabing aktibidad at nagpaalala sa publiko na maging mapagmatyag sa mga posibleng aftershocks.
Nagsuspinde na rin ng klase sa lahat ng antas gayundin ng trabaho para sa Miyerkules, Oktubre 1, dahil na rin sa nangyaring paglindol.
KAUGNAY NA BALITA: #Walang Pasok: Class at work suspensions para sa Miyerkules, Oktubre 1