December 12, 2025

Home BALITA National

'Dasal ng OVP na mabigyan kayo ng lakas ng loob!'—OVP sa mga naapektuhan ng lindol sa Cebu

'Dasal ng OVP na mabigyan kayo ng lakas ng loob!'—OVP sa mga naapektuhan ng lindol sa Cebu
Photo courtesy: OVP (FB), MB


Nagbigay ng mensahe ng pakikiramay at panalangin ang Office of the Vice President (OVP) para sa mga residenteng naapektuhan ng lindol sa Bogo City, Cebu noong Martes ng gabi, Setyembre 30.

Ibinahagi ng OVP sa kanilang Facebook page nitong Miyerkules, Oktubre 1, ang kanilang lubos na pakikiramay sa lahat ng mga kababayang naapektuhan ng nasabing kalamidad sa Kabisayaan.

“Ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo (OVP) ay lubos na nakikiramay sa lahat ng ating mga kababayan sa Cebu at Leyte na lubhang naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol kagabi, September 30,” saad ng OVP.

“Ipinaabot namin ang aming mga dasal para sa kapayapaan ng mga pumanaw, kagalingan ng mga nasugatan, at mabilis na pagbangon ng mga komunidad na apektado ng trahedya,” dagdag pa nito.

Maghahatid din ang OVP ng tulong katuwang ang ilang satellite offices ng kanilang tanggapan sa Visayas.

“Maghahatid ng tulong ang OVP sa ating mga kababayan na apektado ng lindol. Gagawin ito sa pamamagitan ng OVP-Cebu, Bohol, at Siquijor Satellite Office, OVP-Eastern Visayas Satellite Office, at OVP-Panay and Negros Islands Satellite Office,” anang OVP.

“Dasal ng OVP na mabigyan kayo ng lakas ng loob, at tibay ng pananampalataya, at pag-asa sa pagharap ng hamon na ito,” dagdag pa nila.

Matatandaang nag-abot din ng pakikiramay at dasal ngayong araw si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lubhang naapektuhan ng lindol.

“Buong puso akong nakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay, at kasama sa aking mga dasal ang kaligtasan ng mga nasugatan at lahat ng naapektuhan ng lindol,” ani PBBM.

MAKI-BALITA: PBBM, nagpaabot ng pakikiramay, dasal para sa kaligtasan ng mga apektado ng magnitude 6.9 na lindol-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA