December 19, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: ‘Worth it’ pa bang maging guro sa panahong magulo, puno ng pagbabago?

#BalitaExclusives: ‘Worth it’ pa bang maging guro sa panahong magulo, puno ng pagbabago?
Photo courtesy: Arven Parafina

Tuwing sasapit ang petsa ng Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 taon-taon, pinahahalagan ng lahat ng nasa sektor ng edukasyon—estudyante, kaguruan, at iba pang stakeholders ng bawat paaralan―ang kahalagahan ng propesyon ng isang pagiging guro. 

Silang mga itinuturing na buhay na bayani at may malaking gampaning bumuo ng bawat henerasyong kukumpuni bilang maliliit na turni-turnilyo ng isang malaking sistema ng lipunan sa hinaharap. 

Ngunit may bentahe (advantage) pa rin nga ba ang selebrasyon ng National Teachers’ Month at saysay na maging guro sa gitna ng panahong magulo at puno ng pagbabago sa sistema ng edukasyon ngayon sa bansa? 

Nagkaroon ng eksklusibong panayam ang Balita noong Martes, Setyembre 30, 2025 sa isang pampublikong guro na si Teacher Arven Parafina mula sa liblib na bayan sa Atimonan sa probinsya ng Quezon. 

Human-Interest

ALAMIN: ‘Required’ ba na magbigay ng 13th Month Pay ang mga kompanya tuwing Holiday Season?

Nagtuturo si Sir Arven ng asignaturang Music, Arts, Physical Education, and Health (MAPEH) at iba pa sa Atimonan National Comprehensive High School (ANCHS) -  Senior High School sa Barangay Buhangin, Atimonan Quezon, at aabot sa 52 na bilang ng mga estudyante bawat seksyon ang kaniyang tinuturuan araw-araw. 

Ayon kay Sir Arven, bago umano siya maging ganap na guro sa pampublikong paaralan, naranasan muna niyang magturo sa pribadong paaralan sa Leon Guinto Memorial College, Inc., (LMGCI) sa loob ng pitong (7) taon.

Pagkukuwento ni Sir Arven, nagdiriwang din ang kanilang paaralan para sa selebrasyon ng National Teachers’ Month. 

“May celebration kami. Actually, no’ng una kong pasok [sa public school], na-enjoy ko naman. Sobrang na-touch ako no’n kasi wala akong advisory last year. Na-touch ako kasi may mag nag-greet pa din. May kumanta pa ring mga students sa akin kahit bago pa lang ako. 

“Tapos ngayon, may mga celebrations din. ‘Yon nga lang[...] para sa akin, ang gusto ko na lang [sana] is pahinga. Kaso [ay] hindi, ang daming events [at] parang nakakapagod. Pero ini-enjoy ko naman [at] nag-cecelebrate naman kami,” pagsisimula ni Sir Arven. 

Pagpapatuloy pa niya, may ilang mga bagay silang ginagawa sa ganoong naturang selebrasyon halimbawa ng labanan sa King and Queen at Booth Design Competition. 

“Actually, mayro’n kaming events sa bumubuo ng ANCHS mismo from [school] sites to senior high school. Combine as one naman ‘yong school, e. Mayro’n kami do’ng labanan ng King and Queens [at] Booth competition sa teachers,” anang Sir Arven. 

Dagdag pa ni Sir Arven, may isang bagay pa umanong ginagawa ang mga estudyante kaugnay sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month na labis niyang kinatutuwaan. 

“Pero dito ako natutuwa, kakasimula lang ngayong araw, which is mayro’n kaming Mini-Me teachers. Natutuwa lang ako[...] first time ko kasi na magkaroon ng mini-me teacher. 

“Parang nakikita ko ‘yong purpose niya na iparating sa mga students kung anong sitwasyon naming mga guro. Kanina kasi, ‘yong mga mini-me teachers, pagod na pagod sila. Isang klase pa lang, pawis na pawis na[...]

“Nakikita ko talaga ‘yong mga experience mismo namin na napapagod sila, pawisan, sobrang init kanina tapos biglang uulan, tapos may mga pasaway na students. ‘Yong gano’ng celebration ng National Teachers’ Day, natutuwa ako do’n,” pagkukuwento ng guro. 

Pagbabahagi pa niya, mayroong bentahe ang pagsasagawa ng mga nabanggit na aktibidad ng mga guro at mag-aaral para maipakita mismo sa mga bata na hindi umano ganoong kadali ang propesyon ng pagiging isang guro. 

“Oo naman. Mayroon, kasi alam naman natin ‘yong hirap talaga na pinagdadaanan ng mga guro. So this celebration for all the teachers in the country ay talaga namang may malaking impact sa bansa. Kasi dito lang natin naipapakita [at] naipararanas na rin, lalo na doon sa mga mini-me teachers, kung gaano ba talaga kahirap at ‘di ganoong kadali ‘yong propesyon na mayro’n kami. 

“With this celebration, at least kahit papaano once in a year, naipararating at naipapakita kung ano ba talaga ‘yong buhay namin bilang isang guro sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan,” saad ni Sir Arven. 

Ibinahagi rin ni Sir Arven sa panayam na napansin umano niyang sa pamamagitan ng mga simpleng pagdiriwang ng National Teachers’ Month, may ilang mga bata na ginugustong pangarapin ang pagiging isang guro. 

“Based sa experience ko, there’s some students na natutuwa kasi they’ve delivered the lesson very well[...] Natutuwa sila kasi very active daw no’ng students. Parang na-eenjoy niya ‘yong teaching, e. Kasi nakikita nila ‘yong proseso na they need to prepare something, they need to deliver the lesson perfectly, tapos need to impart talaga the knowledge na kailangan talaga no’ng mga students. There’s someone na parang nai-encourage namin, with that experience, na maging guro. Pero there’s someone talaga na ayaw nila,” pagbabahagi niya. 

Nag-iwan naman ng mensahe si Sir Arven para sa mga kapuwa niya guro na maging matatag at malakas para sa sarili, sa mga estudyante, at sa bansa. 

“Para sa mga kapuwa ko guro, magpakatatag tayo. Tulungan natin ‘yong mga sarili natin na mas maging malakas, hindi lang physically bagkus mentally. Kasi sa pagbabago ng sistema dito sa bansang Pilipinas, tayo ‘yong pinaka kailangang mas maging malakas, mas maging matatag, at mas maging malawak ang pang-unawa. Kasi kung tayo ‘yong magiging mahina, mas magiging kawawa ‘yong mga magiging estudyante natin[...]

“Nawa ay magtiwala at kumapit pa tayo na darating ang panahon na magigising din ang lahat at mababago din ang sistemang hindi maganda para sa atin[...] Let us keep praying na lahat ng mabubuting nasa posisyon sa ating bansa, lahat ng pinaplano nilang maganda para sa mga guro at edukasyon sa Pilipinas ay matupad,” mensahe niya. 

Nagbigay rin ng payo si Sir Arven para sa mga mag-aaral na nagnanais tahakin ang propesyon ng pagiging guro. 

“To the future educators, habang maaga pa, alamin na talaga muna kung ano ang gusto ninyong mangyari. Kung gusto ba talagang maging teacher, pagpokusan niyo na. I-develop niyo na ‘yong mga skills na kailangan, especially [your] communications skill [at] speaking skills[...]

“Please improve more in yourselves habang college students pa lang kayo para pagdating ng araw na maka-graduate at mag-aapply na kayo, you are physically and mentally ready na. Improve your skills, be flexible, and put your heart in what you are doing palagi. 

“Hindi kailangan ng magaling. Dapat palaging nauuna ang pagiging mabuti, pangalawa lang ‘yong pagiging magaling. Kailangan ay puso muna bago ang lahat,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: Paano totoong mapahahalagahan ang mga guro sa Pilipinas?

Mc Vincent Mirabuna/Balita