Inamin ni PDP Deputy Spokesman Atty. Ferdinand Topacio na isa umano siya sa mga nabudol ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. nang kumandidato ito noong 2022 presidential elections.
Sa isinagawang monthly balitaan forum ng Manila City Hall Reporters' Association (MACHRA) nitong Martes, Setyembre 30, sinabi ni Topacio na loyalista ang pamilya niya sa mga Marcos.
“I have an admission to make,” saad ni Topacio. “Loyalista po ako. ‘Yong pamilya ko, loyalist. My father was with the KBL [Kilusang Bagong Lipunan]. Nacionalista muna no’ng panahon ni Pangulong Marcos, Sr., and then KBL, and then later on—noong napatalsik sa Pangulong Marcos—we stayed with the KBL.”
“Sabi namin,” pagpapatuloy niya, “kaya kami kumampi kay BBM, siguro since for 40 years, wala nang ginawa ‘yong mga Dilawan kundi alipustahin…ang pangalang Marcos, baka naman ‘pag naging pangulo si Marcos, Jr. who has been given a one billion chance to redeem the family name, gagawa ng maayos ‘yan.”
Dagdag pa ng abogado, “‘Yan ang akala namin. E, hindi pala. Nabudol.”
Matatandaang kabilang ang PDP sa partidong nag-endoroso sa kandidatura ni Marcos, Jr. bilang runningmate ni Vice President Sara Duterte noong 2022.
Ngunit kalaunan ay nagkaroon ng lamat ang dalawa simula nang magbitiw ang bise-presidente bilang chairperson at miyembro ng Lakas-CMD dahil umano sa “political toxicity” o “execrable political powerplay.”