Ipinaliwanag ng rising Kapuso star at ex-Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition housemate na si Shuvee Etrata ang kaniyang sarili matapos ma-bash sa social media dahil sa pagkalkal ng mga netizen sa isang lumang video kung saan nagsabi siya ng "ewww" kay Unkabogable Star Vice Ganda.
Sa eksklusibong panayam ni ABS-CBN showbiz news reporter MJ Felipe kay Shuvee, sinabi niyang "taken out of context" daw ang ginawa ng bashers sa kaniya.
Sa nabanggit na video, habang kumakain ay nagsabi si Shuvee kung "Jojowain" o "Totropahin" ba niya ang iba't ibang male showbiz personalities sa Kapamilya at Kapuso Network.
Nang mapasama sa listahan si Vice Ganda, dito na napa-ewww si Shuvee.
Tila binanatan naman ng mga netizen si Shuvee lalo pa't paminsan ay kinukuhang guest co-host ng noontime show na "It's Showtime" si Shuvee.
Kaya paliwanag ni Shuvee, talaga raw hilig niya noong gumamit ng memes ng nakatutuwang hitsura ni Vice Ganda. Pagdating naman sa pag-eww niya, ito raw ay katatawanan lamang.
"Nag-eww talaga ako, kasi parehas kaming girl," paliwanag ni Shuvee.
"I really love It's Showtime. I'm really grateful for Meme [Vice Ganda], for giving me that opportunity to be on Showtime. Dati pinapanood ko lang."
Sey pa ni Shuvee, nagpadala na raw siya ng mensahe kay Vice Ganda patungkol dito.
"I sent a message regarding fake ano, 'yong mga lumalabas sa ano, kasi gusto ko lang ding i-clarify 'yong side ko na 'Meme, I was always honest about my feelings to you, I never lied," aniya pa.
Samantala, sa isang episode naman ng noontime show ay tila may pinasaringan naman si Vice, hinggil sa mga nagsasabing idol daw siya pero may mga post pala na namba-bash sa kaniya. Hindi naman tinukoy ng comedian-TV host kung sino ang pinatatamaan niya.
Kasama si Shuvee sa pelikulang "Call Me Mother" na pagsasama nina Vice Ganda at Nadine Lustre sa pelikula, na isa sa mga opisyal na kalahok sa 2025 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Vice Ganda hinggil sa isyu.