December 14, 2025

Home BALITA National

PNP sinunog higit ₱11M halagang mga puno ng Marijuana sa Kalinga

PNP sinunog higit ₱11M halagang mga puno ng Marijuana sa Kalinga
Photo courtesy: PNP

Nagkasa ng isang malawakang pagsunog ng mga puno ng marijuana sa probinsya ng Kalinga ang Philippine National Police (PNP) mula noong Linggo, Setyembre 28 hanggang Lunes, Setyembre 29.

Ibinahagi ng PNP sa kanilang Facebook post ang naturang pagwasak sa higit 57,000 mga puno ng marijuana, sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya kontra ilegal na droga.

“Sa paggabay ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at alinsunod sa kanyang direktiba na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga, matagumpay na winasak ng Philippine National Police (PNP), kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit 57,000 punong marijuana na nagkakahalaga ng ₱11.4 milyon sa Kalinga Province,” ani PNP.

Katuwang ng PNP at PDEA sa nasabing operasyon ang Rizal Municipal Police Station (MPS), Tinglayan MPS, Tanudan MPS, Pinukpuk MPS, Provincial Police Drug Enforcement Unit, Provincial Intelligence Unit, 1st at 2nd Provincial Mobile Force Company ng Kalinga Police Provincial Office, 1503rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 15, at PDEA Kalinga sa Barangay Loccong, Tinglayan, Kalinga.

Nilinaw din ng PNP na sa unang bahagi ng pagsusunog, tinatayang 33,000 marijuana plants ang kanilang nawasak, na may halagang ₱6.6 milyon, at 24,000 naman sa sunod na bahagi, na may halagang ₱4.8 milyon.

Ibinahagi ni PNP Acting Chief Police Lieutenant General (PLTGEN) Jose Melencio C. Nartatez Jr. na ang operasyong isinagawa nila ay isang testamento ng adhikain ng PNP na paigtingin ang kampanya ng administrasyon kontrol ilegal na droga.

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028



“Ang malawakang operasyon na ito ay malinaw na pahayag sa mga sindikato at nagtatanim ng marijuana na hindi titigil ang PNP sa pagtupad sa utos ng Pangulo na mas paigtingin ang laban kontra iligal na droga,” ani Nartatez.

“Sa pagsira ng mahigit ₱11 milyon halaga ng marijuana, pinuputol natin ang daluyan ng ipinagbabawal na gamot at higit sa lahat, pinangangalagaan natin ang kabataan at pamayanan laban sa panganib ng bisyo at kriminalidad. Tagumpay ito ng bawat Pilipino na naghahangad ng ligtas at malinis na lipunan,” dagdag pa niya.

Pagsuporta ni PNP Spokesperson Police Brigadier General (PBGEN) Randulf T. Tuaño, magpapatuloy umano ang PNP hanggang sa tuluyan nang maging abo ang bawat taniman ng marijuana.

“Patunay ang pagkawasak ng mga halamang ito ng mariin at matatag na paninindigan ng PNP na protektahan ang ating mga komunidad laban sa droga. Magpapatuloy ang ating operasyon hanggang sa bawat taniman ng marijuana ay maging abo at ang mga nagtatanim ay managot sa batas,” aniya.

Vincent Gutierrez/BALITA