Nilinaw ng Palasyo na hindi umano makikialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa magiging pamamaraan at polisiya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa pag-iimbestiga ng nasabing ahensya sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa ibinahagi ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing ng Malacañang nitong Martes, Setyembre 30, 2025, sinabi niyang noon pa sinabi ng Pangulo na isang independent commission ang ICI.
“Noon pa po sinabi ng Pangulo na itong ICI ay isang independent commission,” anang Castro.
Pagpapatuloy pa ni Castro, hindi umano panghihimasukan ni PBBM ang magiging pamamaraan at polisiya ng ICI bilang isang independent body.
“So kung ano po ang kanilang magiging polisiya at ang kanilang magiging procedure po do’n ay igagalang po ng Pangulo at hindi po manghihimasok ang Pangulo dahil sila po ay independent body or commission,” ayon pa kay Castro.
Matatandaang inanunsyo na ni ICI executive director Brian Keith Hosaka na hindi umano nila isasapubliko ang mga pagdinig ng nasabing ahesya upang maiwasan ang “trial by publicity” at anumang impluwensyang pampulitika.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ekis sa livestream?' ICI, 'di isasapubliko mga pagdinig sa flood control projects
“Currently, the ICI hearings are not livestreamed. This is the present policy of the commission. The initial hearings, so far, are for purposes of case build-up for criminal, civil, and administrative action,” saad ni Hosaka noong Setyembre 28, 2025.
Dagdag pa niya, “The ICI is avoiding trial by publicity, and will not allow it to be used for any political leverage or agenda by any individual or group.”
Gayunpaman, sinabi ni Hosaka na magkakaroon pa ng karagdagang talakayan upang tugunan ang panawagan para sa usapin ng transparency sa kanilang magiging imbestigasyon sa maanomalyang flood-control projects.
Mc Vincent Mirabuna/Balita