Dinepensahan ng Malacañang ang mga kritisismo sa paghirang kay dating Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin Jr. bilang bagong special adviser at investigator ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
Ipinaliwanag ni Palace Press Officer Claire Castro sa Malacañang press briefing nitong Martes, Setyembre 30 na ang pagpili kay Azurin bilang ICI Special Advisor at Investigator ay base sa kaniyang kagalingan at mga karanasan bilang imbestigador.
“Ayon po sa Pangulo, ang pagkakapili kay Gen. Azurin ay base sa kaniyang karanasan, sa kaniyang mga kagalingan, at siya naman din po ay imbestigador at walang komplikasyon, hindi po kasi siya politiko,” saad niya.
Binalewala rin ng Palasyo ang mga alegasyong nagkokonekta kay Azurin sa umano’y cover-up ng drug haul sa Maynila noong 2022.
“Maliwanag, hindi nakasuhan, kasi kung naakusahan lang, madaling mag-name drop, madaling magturo, lalo na ngayon. Iba kasi kapag nakasuhan at nagkaroon ng desisyon ng conviction,” depensa ni Castro.
Noong Lunes, opisyal nang inanunsyo ng Malacañang ang pagtalaga kay Azurin sa ICI noong Lunes, Setyembre 29, matapos ang pagbibitiw ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong noong Biyernes, Setyembre 26.
KAUGNAY NA BALITA: Dating PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., itinalaga bilang ICI special adviser at investigator
KAUGNAY NA BALITA: Magalong, nag-resign na bilang ICI special adviser
Sean Antonio/BALITA