Iniskoran ni labor rights activist Ka Leody de Guzman ang bagong laya na si “Fishball King” Alvin Karingal at si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ngayon ay nasa detention facility pa rin ng International Criminal Court (ICC).
Ibinahagi ni Ka Leody sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Setyembre 30, kung saan binigyan niya ng isang puntos si Karingal, matapos nitong makalaya mula sa kustodiya ng Manila Police District (MPD), habang bokya naman ang binigay niyang iskor kay FPRRD.
“Alvin Karingal - 1, Rodrigo Duterte - 0,” ani De Guzman kalakip ang isang litratong nagsasabing “tusok tusok king FREED.”
Matatandaang kabilang sa mga inaresto si Karingal ng mga awtoridad matapos ang isinagawang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo laban sa malawakang korapsyon noong Linggo, Setyembre 21.
Napag-alaman ding siya ay isang Person with Disability (PWD) matapos ipresenta ng kaniyang ina ang kaniyang PWD ID.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ibaba ang presyo ng fishball!' ‘Fishball King,’ kumpirmadong nasa kustodiya ng MPD-Balita
Kaugnay nito, kinumpirma ng legal counsel ng Karapatan Alliance Philippines Inc., at ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL) na si Atty. Maria Sol Taule na nakalaya na rin ito mula sa umano’y ilegal na pagkakakulong.
“Malaya na si Alvin matapos ang isang linggong ilegal na pagkakakulong,” ani Taule.
MAKI-BALITA: 'Fishball king,' nakalaya na mula sa umano'y 'ilegal na pagkakakulong' sa kilos-protesta—Atty. Taule-Balita
Samantala, nananatiling nakakulong si FPRRD sa ICC detention facility sa The Hague, Netherlands, matapos pormal na sampahan ng 3 counts of murder ng ICC prosecutors noong Martes, Setyembre 23.
"Duterte is individually criminally responsible pursuant to article 25(3)(a_ of the Rome Statute for the crimes charged in Counts 1 to 3 as he committed them as an indirect co-perpetrator," mababasa sa dokumento ng ICC,” nasasaad sa dokumento ng ICC.
MAKI-BALITA: ICC Prosecutors, sinampahan na si FPRRD ng 3 counts of murder-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA