Binigyang-paliwanag ng Malacañang ang ilan sa mga nasabi ni Vice President Sara Duterte sa inilabas niyang pahayag tungkol sa ‘maleta scheme’ na may kaugnayan umano kay Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa naging pahayag ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing ng Malacañang nitong Martes, Setyembre 30, 2025, idiniin niyang dapat umanong malaman ni VP Sara ang kaibahan ng “nabanggit” at “conviction.”
“Nakakuha po tayo ng pahayag ngayon-ngayon lamang at atin pong nabasa ang kabuuan. Unang-una po, siya naman po ay abogado so dapat malaman niya kung ano ba dapat ang pagkakaiba ng ‘na-mention’ at ang conviction,” ayon kay Castro.
Nilinaw din ni Castro na hindi umano ipinagtatanggol ng Palasyo si Romualdez at nagbabatay lamang sila sa mga sinabi ni VP Sara sa kaniyang naging pahayag.
“Hindi po natin ipinagtatanggol dito ang former House Speaker o Representative Romualdez pero [magbabase] lang po tayo sa kaniyang naging salaysay,” anang Castro.
Pagpapatuloy pa ni Castro, mula lamang umano sa mga nabalitaan ni VP Sara ang kaniyang mga nasabi at walang patunay na mayroong naging desisyon ang Korte kay Romualdez.
“Unang-una, sinabi niya rin po, ‘oo, sapagkat ito ay tugma sa mga nabanggit ng mga nababalita na noon ay pagtanggap niya ng suhol.’ Ang sabi niya po sa salita, ‘napabalita.’ So, ang ibig sabihin [ay] nabanggit lang pero walang naging desisyon ang Korte,” saad ni Castro.
Iginiit din ni Castro na wala umanong responsibilidad si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagpili niya noon kay Romualdez bilang House Speaker.
“Pangalawa, sinabi niya na bakit pinili ng Pangulong Marcos si Rep. Martin Romualdez bilang Speaker of the House, h’wag niya pong kalimutan na mayroon pong separations of powers. Wala pong kinalaman o wala pong maaaring responsibilidad sa pagpili noon kay Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker,” paliwanag ni Castro.
Nabanggit din ni Castro ang nasabi ni VP Sara sa kaniyang pahayag kaugnay sa isyung kinaharap noon ng Okada Manila casino sa Delaware Court.
“At ‘yong binabanggit niya pong decision sa Delaware Court, muli, nakita po natin ito pero wala pong mention na si Rep. Romualdez ay guilty. Ang sabi niya lang dito sa kaniyang pahayag, ‘na-mention nang 17 times,” ‘ika pa ni Castro.
Ginawa ring halimbawa ni Castro si VP Sara kaugnay sa mga nababalita rin umanong “anomalya” tungkol sa kaniya.
“Siya po mismo, ang Bise Presidente, ay name-mention din ‘di [umanong] mga anomalya na transaksyon. Dapat po natin diyang husgahan katulad ng ginagawa niyo ngayon sa ibang mambabatas?” pagtatapos pa ni Castro.
MAKI-BALITA: VP Sara, naniniwala umano sa 'maleta scheme' na isiniwalat ni Sgt. Guteza kaugnay kay Romualdez
Mc Vincent Mirabuna/Balita