Kinumpirma na ng legal counsel ng Karapatan Alliance Philippines Inc., at ng National Union of Peoples' Lawyers (NUPL) na si Atty. Maria Sol Taule ang pagkakalaya ng binansagang “Fishball king” na si Alvin Karingal.
Ayon sa ibinahaging post ni Taule sa kaniyang Facebook nitong Martes, Setyembre 30, 2025, ipinakita niya ang larawan ng paglaya ni Karingal habang nakataas pa rin ang kamao.
Photo courtesy: Maria Sol Taule (FB)
Ayon kay Taule, opisyal nang malaya si Karingal matapos ang umano’y ilegal na pagkakakulong niya sa kustodiya ng kapulisan sa loob ng isang Linggo.
“Malaya na si Alvin matapos ang isang linggong ilegal na pagkakakulong,” ani Taule sa kaniyang caption.
Muli ring binanggit ni Taule ang naging sikat na panawagan ni Karingal sa kilos-protestang dinaluhan niya noong Setyembre 21, 2025, at tinangkilik din ng mga tao sa social media.
“Ibaba pa rin ang presyo na kwekwkek, fishball at kikiam!” anang Taule.
Pasaring pa ng abogado, panagutin umano ang mga karukot at pasista.
“Ibaba ang presyo ng bilihin, itaas ang sahod at panagutin ang mga kurakot at pasista!” pagtatapos ni Taule.
Nagpaabot naman ng paghanga ang netizens sa nasaksihan nilang katapangan ni Karingal kahit sa simple umano nitong ipinaglalaban kontra sa korapsyon ng bansa.
Narito ang ilang komentong iniwan ng mga tao sa naturang post ni Taule tungkol sa paglaya ni Karingal:
“Maliit man ang sinisigaw tagos ito sa puso ni Alvin, ramdam sa sikmura ang pagtaas ng mga bilihin. PALAYAIN ANG LAHAT NG MGA BILANGGONG POLITICAL. ang ikulong dahil sa kanyang Pampulitikang Paniniwala ito ang mga Bilanggong Pulitikal.”
“Bravo kuya Alvin " kwekKwek vendor" ... Makatarungan ang ating PAGLABAN sa mga TIWALI, KURAP AT KURAKOT DAPAT MANAGOT AT IKULONG.”
“Sana lht makalaya na. Biktima cla ng bulok na sistema ng gobyerno. Trillion ang ninakaw. Cnung nde mangwawala s ninakaw stn.”
“Mabuhay ka Alvin. Alam mo kung ano pinaglalaban ng ating bayan di katulad ng mga humuli at lumabag sa karapatang pantao mo at ng iba pa na pinoprotektahan ay ang mga hudas sa bayan.”
“Mabuhay ka Alvin! Mabuhay ķaýo Atty Sol! Tùloý ang pakikibaka ķontra sa mga Mañdarambong at Koŕapsyòn… Labanañ añg Pasismo ñg Estado.”
Matatandaang si Taule rin ang nagkumpirma na nasa kustodiya ng Manila Police District si Karingal ayon sa post ng abogado noong Setyembre 22, 2025.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ibaba ang presyo ng fishball!' ‘Fishball King,’ kumpirmadong nasa kustodiya ng MPD
“Nakita ko ang nanay ni Alvin, alyas “Kwekkwek boy”, umiiyak nanay nya, pinakita ang PWD ID ng anak nya, namukhaan ko agad. Nagmakaawa sakin na ipasok ko ang gamot ng anak niya. May mental health condition si Alvin,” ayon kay Taule.
Samantala, wala pa namang kumpirmasyon kay Taule at kasamahan pa niyang mga abogado kung nakalaya na ang lahat ng, ayon kay Taule, nasa mahigit 200 indibidwal na nahuli noon sa malawakang kilos-protesta na isinagawa ng maraming progresibong grupo.
Mc Vincent Mirabuna/Balita