Pinangunahan ni Sec. Vince Dizon ang pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Blockchain Council of the Philippines nitong Martes, Setyembre 30.
Ang nasabing MOA ay naglalayong maglunsad ng blockchain-based monitoring system para maiwasan ang korapsyon sa mga proyekto ng ahensya.
Kasama sa dumalo sa signing ay si Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Henry Aguda at ilang mga kinatawan mula sa iba’t ibang grupo at organisasyon.
Sa press conference ng DICT noong Lunes, Setyembre 29, ibinahagi ni Aguda ang benepisyo ng blockchain technology sa pagtuligsa ng korapsyon sa pamahalaan.
Dito ay ipinaliwanag ng Kalihim na dahil nananatiling paper-based ang karamihan ng transaksyon sa gobyerno, ang beripikasyon ng mga impormasyon gaya ng budget at project expenditures ay mahirap masundan.
“Ang problema natin, karamihan papel ang transaksyon. So, hirap ang mga tao na makita kung ano ‘yong laman makita ng transaksyon. Example, sa budget, ang daming tanong, ‘nasaan ba ‘yong final version?’ Tapos nakita rin natin sa DPWH, nagkakaproblema sila to get information,” aniya.
“Blockchain kasi is a nice platform where the database is there and the database is normal na. But the nice thing about it is it's immutable. Hindi na mabubura 'yan. So, kung meron mang mangyaring unusual sa database, kung di mo man makita ngayon makikita mo 'yan 2 years, 3 years, 4 years down the road, hindi ‘yan mabubura," dagdag niya pa.
Binanggit din niya na ang mga impormasyong maitatabi sa blockchain ay distributed para matiyak na walang makapagbabago ng mga record dito.
“Hindi mo mate-trace [ang impormasyon] sa isang lugar lang. It’s distributed. Hindi siya pupuwede bang, ‘para mawala ‘yong information, sisirain ko ‘yong server dito, ‘yong server d’yan.’ From a record-keeping standpoint, you have what you call an ‘immutable leger,’ meaning that leger would forever be there, [a] single version of the truth. Pag nandoon na sa blockchain, di mo na ma-eedit ‘yon,” aniya pa.
Tiniyak din ng Kalihim na habang transparent ang mga datos sa blockchain, ang mga ito ay mananatiling secured o ligtas dahil sa encryption.
"Ang kagandahan ng blockchain, encrypted 'yan, hindi basta basta pumasok ka sa chain, mababasa mo 'yung laman, dapat trusted validator ka," saad niya.
Sean Antonio/BALITA