Ibinahagi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na mapapanood na ng publiko ang bidding process ng ahensya sa social media para masigurado ang pananagutan at transparency.
“Lahat po ng magiging bidding, mula central office, regional office, district office, livestreaming na, at ‘yong mga livestreaming na link, ipapaskil natin sa social media, ipapadala natin sa members ng media, para may access ang mga kababayan natin,” saad ni Dizon sa kaniyang panayam sa DZMM Radyo Patrol nitong Martes, Setyembre 30.
Ayon pa sa kaniya, sisimulan ang inisyatibang ito sa Bataan-Cavite Interlink Bridge (BCIB) Project kasabay ang iba pang mga proyektong isasagawa ng ahensya sa buong bansa.
“Sisimulan natin, sa mga susunod na araw, itong napakalaking Bataan-Cavite Interlink Bridge Project talagang ila-livestream natin ‘yan. Kasabay niyan ‘yong iba’t ibang proyekto nationwide, from region to district,” dagdag pa niya.
Binanggit din niya na malaking bagay na makita ng publiko ang mga proseso na isinasagawa sa ahensya para matiyak na hindi na muling maulit ang mga katiwalian na naganap sa dito.
“Kung DPWH lang ang magbabantay, nako, may makakalusot at makakalusot diyan. Kung gagawan natin ng paraan para ma-empower ang ating mga kababayan na bantayan ang bawat proyekto ng DPWH, tingin ko, mas magiging malakas ang pagmo-monitor natin at pagsisigurado na itong mga kabulastugan na nangyari in the past ay hindi na mauulit,” aniya.
Matatandaang pansamantalang ibinaba ni Dizon ang suspensyon ng procurement para sa mga proyekto sa DPWH noong Setyembre 6, at iniutos naman ang pagtataas nito noong Setyembre 16.
Sa ilalim ng bagong direktibang ito, isa ang livestreaming ng bidding activities sa mga kailangang isaakto ng ahensya.
Sean Antonio/BALITA