Mariing pinabulaanan ni Atty. Ferdinand Topacio ang alegasyong sangkot umano siya sa magulong riot na naganap sa Mendiola, sa pagdaraos ng anti-corruption rally noong Setyembre 21.
Sa kaniyang pagdalo sa Balitaan ng MACHRA nitong Martes, Setyembre 30, sinabi ni Topacio, Deputy Spokesperson ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP), 'hinugot sa puwet' lamang ang naturang alegasyong nag-uugnay sa kaniya at kay dating Manila City Administrator Bernie Ang, sa naturang kaguluhan.
"I vehemently deny that. Ang PDP Laban po ay naglabas na ng opisyal na pahayag na amin pong itinatanggi yan at kinokondena ng mariin yung karahasang nangyari noong September 21," ayon kay Topacio.
Nanawagan pa siya sa mga awtoridad na palalimin pa ang imbestigasyon upang mabunyag ang identidad ng mga taong tunay na nasa likod ng naturang riot, at yaong mga nagbayad ng piyansa at nakisimpatiya sa mga naarestong suspek.
Ayon kay Topacio, kasama siya sa mga taong nag-rally laban sa malawakang korapsiyong nagaganap sa bansa, ngunit iginiit na naging maayos ang kanilang aktibidad at kaagad ring nag-disperse matapos ang isang maikling programa.
May nauna umano siyang mga lugar na pinuntahan bago tumungo sa Mendiola ngunit habang papunta doon ay nakatanggap na sila ng impormasyon mula sa kanilang advance party na may nagaganap nang kaguluhan.
Habang nagmamartsa, napuna na aniya niya ang mga nakaitim na kabataan na sumusunod sa kanilang hanay, na mga nakamaskara at may mga dalang bat at knapsack kaya't inimpormahan ang mga awtoridad hinggil dito.
Kaagad din aniya niyang inatasan ang kanilang mga marshal na alamin kung sinu-sino ang mga naturang kabataan.
Nang malabo umano ang naging sagot ng mga ito ay tumigil na lamang ang kanilang grupo at pinalampas ang mga kabataan.
Sinabi pa ni Topacio na hindi niya gugustuhing magkagulo sa rally dahil maging ang kaniyang anak ay sumali rin dito, bagama't kasama ito sa ibang grupo.
"Why would I foment violence? Gusto ko bang mabato ang anak ko sa ulo?" aniya.
Binanatan din niya ang ginawang pagsasangkot kay Ang sa isyu, na inilarawan pa niyang isang 'non-violent' person na hindi kailanman nasangkot sa anumang pakikipagtalo sa kahit sinuman sa Manila City Council, kung saan nagsilbi siya bilang third district Councilor ng Maynila sa loob ng 21 taon, at city administrator nina Manila Mayors Honey Lacuna at Isko Moreno.
"Ano naman ang mapapala niya? Na-achieve niya na lahat. He is a successful businessman and is the longest-serving Councilor who served Manila in different capacities where he established a good name based on service record. Bakit niya dudungisan ang pangalan niya para lang sa isang gulo na wala namang patutunguhan?," pahayag pa ni Topacio.
Mismong ang mga pulis na rin naman aniya ang nagsabi na ang gulo ay naimpluwensiyahan ng mga makakaliwa.
Tinukoy rin niya kung paanong ang mga political personalities na highly-identified sa mga left-leaning organizations gaya ng Gabriela, Kabataan at Akbayan, ay naging bukas sa pagsuporta sa mga naarestong kabataan at nag-demand na sila ay mapalaya.
"Sino ba ang me history ng panggugulo? Sino ang enablers? Sino ang ayaw mag-condemn ng violence na nangyari?," ani Topacio.
Inilarawan din naman ni Topacio ang tangkang pagsasangkot sa mga PDP officials sa riots, bilang pagtatangkang sikilin ang natatanging lehitimong oposisyon sa bansa.
"Hindi na 'ko magtataka kung imbentuhan kami ng ebidensiya," aniya pa.
Bukod kina Topacio at Ang, kabilang rin sa mga tinukoy na umano'y posibleng nasa likod ng riot ay sina Atty. Vic Rodriguez at dating Congressman Harry Angping, na ayon kay Topacio, ay ni hindi miyembro ng PDP at ni hindi nagkikita ng 'mata sa mata.'