December 12, 2025

Home BALITA National

'Ang tangi lamang po yata niyang alam ay sirain ang Pangulong Marcos Jr!' — Usec. Castro kay VP Sara

'Ang tangi lamang po yata niyang alam ay sirain ang Pangulong Marcos Jr!' — Usec. Castro kay VP Sara
Photo courtesy: RTVM (YT), file

Binuweltahan ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro ang mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y “flawed judgment” ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpili kay Rep. Martin Romualdez bilang Speaker ng House of Representatives (HOR).

Ani VP Sara sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Setyembre 30, makailang ulit niya na umanong kinuwestiyon ito, lalo pa noong inisyu na ang Delaware Court ruling. 

“I have repeatedly questioned the judgment of President Ferdinand Marcos Jr. in choosing Martin Romualdez as Speaker of the House of Representatives — especially after the Delaware Court ruling was issued,” ani VP Sara.

“Sadly, President Marcos continues to display this flawed judgment — by merely changing the leadership in both Houses of Congress, while keeping a stranglehold on the flood-control probe through the creation of what is supposed to be an "Independent" Commission on Infrastructure that is clearly under his control,” dagdag pa niya.

Sinagot naman ito ni Usec. Castro sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Setyembre 30.

“Unang-una po, siya naman po ay abogado, so dapat malaman niya kung ano ba ang pagkakaiba ng ‘na-mention’ at ang ‘conviction.’ Hindi po natin ipinagtatanggol dito ang former House Speaker Rep. Romualdez, pero babase lamang po tayo sa kanIyang naging salaysay. Unang-una sinabi niya rin po, ‘Oo, sapagkat ito ay tugma sa mga napabalita na noong pagtanggap niya ng suhol.’ Ang sabi niya po sa salita, ‘napabalita,’ so ibig sabihin, nabanggit lang pero walang naging desisyon ang Korte tungkol sa diumanong suhol,” ani Usec. Castro.

Binigyang diin din ng Palace Press Officer na nababanggit din naman si VP Sara sa mga umano’y maanomalyang transaksyon, at tinanong kung dapat din daw ba siyang husgahan, tulad ng kaniyang ginagawa sa ibang mga mambabatas.

“Pangalawa, sinabi niya po na bakit pinili ng Pangulong Marcos si Rep. Martin Romualdez bilang Speaker of the House? Huwag niya pong kalimutan na mayroon pong separation of powers. Wala pong kinalaman o wala pong maaaring responsibilidad sa pagpili noon kay Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker, so huwag niya pong kakalimutan ‘yon,” aniya.

“At ‘yong binabanggit niya pong Delaware…Decision sa Delaware Court, muli, nakita po natin ito pero wala rin pong mention na si Speaker Romualdez or Rep. Romualdez ay guilty. Ang sabi lamang niya sa kaniyang pahayag, na-mention ng 17 times, so siya po mismo, ang Bise Presidente ay name-mention din sa diumano maanomalya na transaksyon. Dapat po ba natin siyang husgahan? Katulad ng ginagawa niya ngayon sa ibang mga mambabatas,” dagdag pa niya.

Binuweltahan din ni Castro ang pahayag ni VP Sara na hinggil sa tubig-baha ng katotohanan at pananagutan na umano ay aagos papuntang Malacañang.

Saad ni VP Sara, “One day, the floodwaters of truth and accountability will flow all the way to Malacañan. And on that day, the Filipino people will finally decide that we deserve better.”

“Maski na po mismo, napakinggan po natin si Senator Chiz Escudero kahapon. Kahit na nga po ang Pangulo, sinabi po niya na walang kinalaman at siya pa po ang nagsumbong kung anong nagaganap. Kaya huwag niya pong ipahid, huwag ipahid ng Bise Presidente kung ano man ang patungkol sa maanomalyang nagaganap ngayon. Hindi po malilinis ng Bise Presidente ang mga akusasyon, hindi lamang akusasyon, kundi pag-amin ng kaniyang ama mismo tungkol sa pagnanakaw sa pondo ng bayan,” bwelta ni Usec. Castro.

“So, huwag niya pong ipahid kung ano man ang nangyari noong nakaraang panahon at ng administrasyon sa Pangulo na ngayon, na siya mismo nagpapa-imbestiga na maanomalyang flood control projects. Ang tangi lamang po yata niyang alam ay sirain ang Pangulong Marcos Jr.,” dagdag pa niya.

Matatandaang kamakailan ay inakusahan ni VP Sara si PBBM na isa sa mga nasa likod ng isinagawang “welfare check” sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na sa kasalukuyan, ay nasa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

“These are nothing but orders of President Marcos disguised as consular functions, and we strongly object to such visits. FPRRD does not need you, our family will take care of him,” aniya.

MAKI-BALITA: ‘FPRRD does not need you!’ VP Sara, kinondena isinagawang ‘welfare check’ ng PH embassy sa The Hague kay ex-Pres. Duterte -Balita

Vincent Gutierrez/BALITA

Inirerekomendang balita