Tila may pasaring si Sen. Rodante Marcoleta sa kaniyang privilege speech sa Senado nitong Lunes, Setyembre 29, 2025.
Ayon sa naturang privilege speech niya, binengga niya ang tila mga senador na takot umano kay dating House Speaker Martin Romualdez.
“Iisa po ang layunin natin dito. Yung matukoy natin kung sino ang mayroong utak dito, na ngayon po ay unti-unti nang naihayag,” ani Marcoleta.
Dagdag pa niya, “Sino bang natatakot kay Martin Romualdez? Marami po siguro sa kapulungang ito”
Ngunit paglilinaw niya, “Pero hindi ako natatakot kay Martin Romualdez.”
Matatandaang inulan ng kontrobersiya ang kredibilidad ni Marcoleta matapos niyang iharap ang witness na si Orly Guteza na umano’y dating security consultant ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co, matapos matuklasang peke umano ang notaryo sa affidavit nito.
Si Guteza ang tunestigo noon sa Senado at nagsalaysay ng “basura scheme” na paraan umano ng pagde-deliver daw nila ng pera kina Romualdez at Co.
Ayon kay Guteza, kabilang daw siya sa mga tagabuhat ng maleta ng basura na inihahatid sa bahay nina Romualdez at Co. kung saan ang ibig sabihin daw ng deliver ng basura ay pawang mga pera.
“Tagabuhat lang ako ng maleta ng basura. Ang ibig sabihin ng basura ay maleta na may lamang pera,” ani Guteza.
“Mas maraming pagkakataon na nagde-deliver kami ng basura sa bahay ni Speaker Romualdez at sa bahay ni Congressman Zaldy Co dahil iba-iba kaming mga naka-detailed na close in, back-up at advance party na nagkakaroon ng rotation,” saad niya.
KAUGNAY NA BALITA: 'Basura scheme?' Pagdeliver ng mga pera sa bahay nina Romualdez, Co, ikinanta ng dating sundalo