Pinabulaanan ni SAGIP Party-list Rep. Paolo Marcoleta ang tungkol sa umano’y nabistong koneksyon ng nanay niya sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.
Sa latest Facebook post ni Marcoleta noong Linggo, Setyembre 28, sinabi niyang hindi umano co-owner at regular o inside director ang nanay niya sa insurance company ng mag-asawang contractor.
“My mother, Edna Marcoleta, is not a co-owner, not a regular/inside director but an INDEPENDENT director of Stronghold Insurance. Bilyonaryo News Channel should know that an independent director is not an employee of the company, has no such material ties, no substantial shares, no hand in sales and marketing activities, no significant professional relationships with the company or its stakeholders,” paliwanang ng kongresista.
Dagdag pa niya, “So ano ang ‘nabisto’ ninyo? That there is no direct connection between my mother and the transactions made by Stronghold and the companies of the Discayas.”
Sa gitna ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects, pinaghihinalaan umano ang ama ng kongresista na si Senador Rodante Marcoleta na pinapaboran umano nito ang mga Discaya.
Ito ay matapos igiit ng senador na bigyan ng Witness Protection Program ang mag-asawa.
“Sila ay nagkusa na gumawa ng salaysay. At kung malalagay ang kanilang buhay sa alanganin, sa peligro, sa kamatayan, hindi ko hihintayin na dumating ‘yon. Gagawin ko ‘yong katungkulan ko sa ilalim ng batas,” anang senador sa isang press conference noong Setyembre 15.
Maki-balita: Ogie Diaz, kinuwestiyon si Sen. Marcoleta matapos igiit pagiging state witness ng mga Discaya
Kinuwestiyon din ni Senate President Pro Tempore Sen. Ping Lacson ang kaniyang kapuwa senador sa pagiging protective umano nito sa mga Discaya.
“Why are you so protective of the Discayas?” tanong ni Lacson sa isang pagdinig ng Blue Ribbon Committee noong Setyembre 23.
Sagot ni Marcoleta, “I am not protecting them. [...] When I was chairman of this committee, sinabi ko na sa inyo, the only remedy provided under the law is for them to apply, if they qualify, under the process of witness protection program. That’s all what I did.”
Matatandaang kabilang ang dalawang kompanya ng mga Discaya sa listahan ng top 15 contractor companies na pumaldo sa flood control projects ng gobyerno ayon mismo sa inilabas na datos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Kilalanin: Sino-sino may-ari ng 15 contractor companies na pumaldo sa pondo ng flood control project?