December 13, 2025

Home BALITA National

Palasyo, siniguradong tuloy ang ‘essential’ flood control projects sa kabila ng budget reallocation

Palasyo, siniguradong tuloy ang ‘essential’ flood control projects sa kabila ng budget reallocation
Photo courtesy: RTVM (YT)


Sinigurado ng Malacañang ang publiko na magpapatuloy ang operasyon ng mga “essential” na flood control projects sa buong bansa, sa kabila ng realokasyon ng pondo sa ilalim ng proposed 2026 national budget.

Sa ginanap na press briefing ni Presidential Communications Officer (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Lunes, Setyembre 29, nagsagawa na umano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng pagsusuri hinggil sa alokasyon ng budget ng ahensya sa taong 2026, at kung anong mga proyektong maaari nilang tanggalin.

“Pinag-aralan po ng DPWH, ni-reassess po nila, ‘yong pondo na supposed to be for the 2026 budget, at nakita po nila kung ano ‘yong dapat na tanggalin, at ito po ang kumbaga matitipid po nila. Magkakaroon po ng fiscal space for the ₱255.5 billion, so, mas nanaisin po ng Pangulo na ito ay mailagay sa tamang mga programa at para po mas makatulong sa mga kababayan po natin,” ani Castro.

Nilinaw rin niya na ang mga hindi pa tapos na flood control projects ng mga contractors ay dapat pa rin nilang tapusin, lalo na kung ito ay nabayaran na.

“Kasi po mayroon pa po tayo sa pagkakaalam na kung ito man ay napondohan at nabayaran na in full, at hindi nagawa ng mga contractor na ito, liability po nila ito dapat po nila itong tapusin,” aniya.

Ibinahagi rin ng PCO ang mga pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa realokasyon ng budget na maaaring makaapekto sa mga “ongoing” at “future” flood control projects ng gobyerno.

“Huwag po kayong mag-alala, hindi ibig sabihin matitigil ang flood control project dahil po sa aming pag-aaral, mayroon pa po–iyong budget ng flood control projects sa 2025 ay 300 plus billion. So, hindi pa naubos ‘yon,” ani PBBM.

“So, tuloy-tuloy pa rin ang magiging flood control project hanggang sa susunod na taon at mayroon naman tayo na ia-approve na flood control project. Basta’t nakita natin ay maayos ang proposal, maayos ang program of work, maayos ang completion, may acceptance ng local government,” anang Pangulo.

Matatandaang ilang mga kongresista ang naghayag na ilaan na lamang sa ibang proyekto o ahensya ang pondo ng mga maanomalyang flood control projects.

KAUGNAY NA BALITA: De Lima, iminungkahing ilipat budget ng flood control projects patungong 4Ps-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA