December 18, 2025

Home BALITA National

Mayor Magalong, may buwelta sa mga pahayag ni Usec. Castro hinggil sa pagiging ICI special adviser

Mayor Magalong, may buwelta sa mga pahayag ni Usec. Castro hinggil sa pagiging ICI special adviser
Photo courtesy: Benjie Magalong (FB), RTVM (YT)


Pinatutsadahan ni Baguio City Mayor Benjie Magalong ang dalawang magkasalungat na pahayag ni Presidential Communications Officer (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro hinggil sa pagkakatalaga sa kaniya bilang Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ibinahagi ni Magalong sa kaniyang Facebook post nitong Lunes, Setyembre 29, ang kaniyang mga sentimyento ukol dito.

“Kung ganito ang ‘clarity,’ baka next month… mascot na lang. ,” ani Magalong.

Kalakip ng caption na ito ang isang post mula sa Facebook page na Youth for Good Gov Alliance, kung saan ipinakita nila ang tila hindi tugmang mga pahayag ni Usec. Castro sa tunay na mandato ni Mayor Magalong bilang special adviser ng ICI.

Noong Setyembre 13, inilahad niya na si Magalong ang magiging “investigator” ng ICI.

“[Mayor] Benjie Magaling, special adviser and, who will act as investigator for the ICI. Mayor Magalong is a career law enforcement officer who served as deputy…,” ani Usec. Castro sa video.

Noong Setyembre 26 naman, nilinaw niya na hindi umano itinalaga si Mayor Magalong sa pag-iimbestiga.

“So liliwanagin po natin, ang pagtalaga po sa kaniya ng Pangulo ay bilang Special Adviser, at hindi po lead investigator. Or in any other form ng pag-iimbestiga. Hindi po siya naitalaga sa pag-iimbestiga at wala po siyang power over the PNP and CIDG,” aniya.

Matatandaang nagbitiw si Magalong bilang special adviser ng ICI noong Biyernes, Setyembre 26, na siyang pinanghinayangan naman ng Palasyo, ngunit idiniin nilang dapat na magpatuloy ang ICI sa trabaho nito.

KAUGNAY NA BALITA: Magalong, nag-resign na bilang ICI special adviser-Balita

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, nilinaw na tuloy trabaho ng ICI sa kabila ng pagbitiw ni Mayor Magalong-Balita