Pinasinungalingan ni Marikina 2nd District Councilor Jaren Feliciano ang kumakalat na litrato umano nila ni Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro, na naka-post sa Facebook page na may ngalang “Marikina Daily News (original).”
Aniya, peke at AI-generated ang mga litrato, at sobrang “below the belt” na ang kabastusan ng mga taong nagpakalat nito.
“Nakakalungkot, nakakainsulto at nakakayamot ang mga ganitong bintang. Sobrang below the belt na ang kabastusan ninyo,” saad ni Feliciano sa isang Facebook post.
“Itong AI-edited photo na pinapakalat nila: malinaw na paninira at pambabastos. Fake na nga, AI-generated pa,” dagdag pa niya.
Nilinaw din niya na hindi umano sila “props” o “meme material” kung kaya’t dapat na tigilan na ang mga paninira sa kaniya.
“Tigilan niyo ako. Tigilan ninyo para lang makapanira kayo ng tao. Wag niyo kong simulan. Hindi po kami props, hindi kami meme material, at hindi kami kasangkapan sa mga palabas niyo,” aniya.
Nanindigan din ang konsehala na malaki ang kaniyang respeto sa mag-asawang Teodoro, at alam daw ito ng mga taong nakakakilala sa kaniya.
“Malaki po ang respeto ko kay Cong. Marcy Teodoro at kay Mayora Maan Teodoro. Alam ng mga taong nakakakilala sa akin at sure ako sila pa ang unang magsasabi na ang ibinabato ninyong kasinungalingan tungkol dito lalo na kay Cong Marcy ay walang katotohanan,” anang konsehala.
Matatandaang kamakailan lamang ay kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na may dalawa umanong babaeng pulis na nagsampa ng kasong Rape at Acts of Lasciviousness kay Rep. Marcy Teodoro.
“The Department of Justice (DOJ) confirms that two complaint-affidavits have been filed before the National Prosecution Service against Congressman Marcelino Reyes Teodoro for alleged violations of the Revised Penal Code. The complainants are both female police officers who had been assigned as the respondent’s close-in security at different times,” saad ni DOJ spokesperson Jose Dominic Clavano IV.
MAKI-BALITA: Marikina 1st Dist. Rep. Marcelino Teodoro, sinampahan ng 2 reklamo sa umano'y rape, acts of lasciviousness-Balita
Mariin namang pinabulaanan ng kongresista ang mga paratang, at sinasabing ito ay malisyoso at hindi totoo.
“Ang mga akusasyon sa akin ay MALISOSYO AT HINDI TOTOO. Ang kanilang mga alegasyon ay walang sapat na basehan at gawa-gawa lamang na ang intensyon ay sirain ang aking reputasyon,” aniya.
MAKI-BALITA: 'Malisyoso at hindi totoo!' Rep. Marcelino Teodoro, pinabulaanan mga 'paratang' na ibinabato sa kaniya-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA