Naghatid ng libreng internet connection at charging sites ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa bayan ng Masbate nitong Lunes, Setyembre 29 para matiyak na mananatiling konektado ang mga Masbateño sa kanilang pagbangon mula sa hagupit ng bagyong “Opong.”
Sa pagbisita ng DICT sa probinsya, kasalukuyan nang gumagana ang internet connectivity sa Communications Tower at Administrative Section ng Masbate Airport gamit ang Starlink.
Kasama rin dito ang paglalagay ng Low Earth Orbit (LEO) Satellite sa Masbate Provincial Hospital para masuportahan ang pang-araw-araw na operasyon ng ospital, lalo na sa internal communications, at records management.
Ayon sa isang panayam kay DICT officer-in-charge regional director Rachel Ann Grabador, tatlong Starlink units, 10 router, at 2kW solar-powered station ang ipinadala sa Masbate bilang suporta sa pangangailangang komunikasyon at data gathering.
"We are here today in the province of Masbate to evaluate the situation of its ICT [Information and Communication Technology] facilities, Sec. Aguda is also expected to arrive today to discuss further assistance that can be provided to the province," aniya.
Sa kaugnay na balita, naghatid din ng karagdagang supply tulad ng hygiene kits at tarpaulin sheets ang Office of Civil Defense (OCD) sa Provincial Social Welfare Development Office ng Masbate.
Sean Antonio/BALITA