Handa umanong tumindig si Sen. Chiz Escudero laban kay dating House Speaker Martin Romualdez at kaniyang mga “kasangkot” kaugnay sa mga ibinabatong paninira sa kaniya.
Ayon sa naging manipestasyon at privilege speech ni Escudero sa plenary session ng mga senador nitong Lunes, Setyembre 29, 2025, inisa-isa ng senador ang mga umano’y iniiwasan ng mga “kakampi” ni Romualdez.
“Kung kayo ay kakampi ni Martin Romualdez, pwes, sumunod kayo sa gusto nila. Una, maniwala kayo sa mga sinasabi ng mga testigo niya na tinuturo lamang ang mga senador. Pangalawa, ibuhos n’yo ang galit n’yo sa Senado at ng mga senador—at palayo kina Martin at ng mga congressman,” anang Escudero.
Pagpapatuloy pa ni Escudero, pagdudahan at sirain pa umano ng mga kasamahan ni Romualdez si Orly Regala Guteza na isa sa mga tumetisgo laban sa dating House Speaker.
“Pagdudahan at sirain ninyo si Sergeant Guteza na bukod tanging hindi nakinabang at walang bahid at [humingi] ng anomang kapalit sa [pagsasabi] ng katotohanan,” ayon kay Escudero.
Pinatutsadahan din ng senador ang pananahimik umano ng mga kakampi ni Romualdez sa pagbabanggit ng pangalan.
“Pang-apat, huwag n’yong hayaang mabanggit man lang ang pangalan ni Martin Romualdez. [Panliman], huwag ninyong hayaang ipatawag si Martin Romualdez sa anomang imbestigasyon,” ‘ika ni Escudero.
Pahabol pa niya, “Pang-anim, huwag ninyong hayaang imbestigahan si Martin Romualdez at mga kasamahan niya saan mang lugar.”
Sinabi din ni Escudero na hindi umano siya kakampi ni Romualdez at handa raw siyang labanan ang lahat ng panlilinlang ng dating House Speaker tungkol sa kaniya.
“Ako, Ginoong Pangulo, hindi ako kakampi ni Martin Romualdez kaya lalabanan ko siya at lahat ng panlilinlang niya,” paggigiit ni Escudero.
Inisa-isa rin ng senador ang mga handa umano niyang gawing hakbang para labanan si Romualdez.
“Una, papatunayan kong hindi totoo ang panggigipit at paninira ng mga testigo niya laban sa akin at mga senador.
“Pangalawa, tututulan ko ang [panlilihis] at dibersiyon na ginagawa niya palayo sa kaniya at sa Kamara.
“Pangatlo, hindi ko hahayaang sirain ang mga senador, pag-away-awayin tayo, at sirain ang institusyon ng Senado.
“Pang-apat, pinaniniwalaan ko at saludo ako kay Sergeant Guteza at iba pang katulad niya sa [paglalabas] ng katotohanan.
“[Panlima], hindi ako matatakot na banggitin nang paulit-ulit ang kaniyang pangalan—Martin Romualdez. At ipaglalaban kong ipatawag at imbestigahan si Martin Romualdez at lahat ng kaniyang mga kasangkot at kasama,” pag-iisa-isa ng Senador.
Pagdurugtong pa ni Escudero, huwag umanong kampihan ng marami si Romualdez kung nais nilang lumitaw ang katotohanan.
“Kung nais ninyong lumitaw ang katotohanan, kung nais ninyong panagutin ang tunay na salarin, kung nais po [ninyong] makulong ang tunay na may kasalanan, huwag ninyong kampihan si Martin Romualdez[...]” pagtatapos niya.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag si Romualdez kaugnay sa naging manipestasyon ni Escudero sa plenaryo nila sa Senado.
MAKI-BALITA: 'Huwag maniwala sa script!' Sen. Chiz, bumuwelta kay Rep. Romualdez bilang ‘ulo’ sa paglilimas ng kaban ng bayan.
MAKI-BALITA: Sen. Chiz, kinuwestiyon bakit wala pa rin pangalan ni Romualdez sa listahan ng imbestigasyon ng NBI, DOJ, AMLC
Mc Vincent Mirabuna/Balita